EXCLUSIVE: Rayver nakakaiyak ang tsika sa kamatayan ng ina

tonite-pak-allan-dionesNakakaiyak ang kuwento ni Rayver Cruz tungkol sa pumanaw niyang ina na si Elizabeth Cruz nang pumunta kami sa second night ng wake ni Mommy Beth nu’ng Sunday sa La Funeraria Paz sa Sucat, Parañaque.

Nakinig kami sa kuwento ni Rayver habang ka-table niya ang close friend niyang si Enchong Dee at mga taga-ABS-CBN na sina Janice de Belen, Direk Ruel Bayani at Direk Don Cuaresma.

Ang haba at tuloy-tuloy ang chika ni Ray, na ang galing magdala ng emosyon at hindi siya naiyak kahit sobrang lungkot nu’ng sine-share niya.

Noon palang nasa Amerika si Rayver at nagbabakasyon kasama ang pamilya ni Janine Gutierrez ay tumawag na sa kanya ang kuya niyang si Rodjun dahil sumama ang pakiramdam ng mommy nila.

Nag-alala si Ray, pero sinabi ng madir nila na okey lang ito at i-enjoy niya ang kanyang Christmas vacation. After ng kanilang New Year’s ce­lebration, doon nila napansin ‘yung pag-iba ng kulay ng mama nila.

As in naninilaw ito kaya sinamahan na nilang magpadoktor. Nu’ng lumabas ang resulta ay sa kanila muna ni Rodjun sinabi ng doktor at hindi nila ipinaalam sa Mommy nila ang diagnosis na may cancer ito.

Doon pa lang ay nanlumo na ang magkapatid, tapos ay pinatingnan nila ulit ito sa iba at nakumpirma ngang pancreatic cancer at nasa stage 4 na ito.

Mula noon ay hindi na pinalabas ng ospital si Mommy Beth, na hindi pa alam ang kanyang sakit. Hanggang sa hindi na natiis nina Rayver na aminin ang totoo, pero ‘yung doktor ang pinagsabi nila sa mom nila dahil hindi nila kaya. Nandu’n lang sila sa tabi nito.

Walang sinabihan sina Rayver at Rodjun ma­ging ang mga malalapit nilang kaibigan. Kaya pati si Enchong ay nagulat sa nangyari, pati ang isa pang bespren ni Ray na si Gerald Anderson na duma­ting nu’ng first night.

Of course, sinabi ito ni Ray kay Janine at sa ina nitong si Lotlot de Leon. Sila-sila lang ang may alam. Pati mga taga-GMA ay clueless.

Tapos ay may eksena si Rayver sa “Asawa Ko, Karibal Ko” na nasa morge siya at patay ang kanyang ina. Sa istorya kasi ay pinatay ni Thea Tolentino si Alma Moreno na gumaganap na ina ni Ray.

Nagkakatinginan na lang sila ni Lotlot sa set dahil walang alam ang mga katrabaho nila na ang ina ni Ray ay nasa ospital at nakikipaglaban sa kanser.

Work lang daw siya nang work dahil hindi siya puwedeng huminto ng trabaho. Sagot nila ni Rodjun lahat ng gastos sa ospital at handa raw silang ubusin ang sa­vings nila gumaling lang ang kanilang 64-anyos na ina.

Hindi na umabot sa pagpapa-chemo si Mommy Beth dahil hindi na kaya ng katawan nito at sobrang kumalat na ‘yung cancer cells.

Isa pala ang pancreatic cancer sa pinakamabilis lalo na ‘pag nasa advanced stage na ito.
Sabi sa amin ni Sunshine Cruz, ‘yung iba ay 17 days lang ang tinatagal. Si Mommy Beth ay hindi umabot ng isang buwan.
***
Ray nag-breakdown sa ospital

Ang bigat sa dibdib ng kuwento ni Rayver tungkol sa araw na binawian ng buhay ang kanyang ina.

The whole day pala ng February 1 ay nandu’n sa ospital si Rodjun. Masama na raw kasi talaga ang lagay ni Mommy Beth that time, na bukod sa sumasakit na ang buong katawan ay bumagsak na ang kanyang blood pressure.

May taping si Ray that day at hindi sinasabi ni RJ ang totoong kondisyon ng mama nila dahil baka hindi makapagtrabaho ang kapatid.

Ani Ray, surprisingly ay natapos siya ng 3:00 AM kinabukasan, Feb. 2, na bihirang mangyari dahil madalas ay mas late na silang nagpa-pack up.

Nang tawagan niya si Rodjun ay sinabi nitong tumuloy na siya ng ospital. Pagdating niya sa ospital ay nag-breakdown si Ray nang makitang ibang-iba na ang hitsura ng mama nila. Pati raw ang tingin nito ay tagus-tagusan na.

Hindi na napigilan ni Rayver ang sarili niya’t bumigay na talaga siya. Maya-maya ay huminga raw nang malalim si Mommy Beth, tapos ay nag-expire na ito at tuluyang nag-flatline.

Parang hinintay lang talaga nito si Rayver at saka ito namaalam.

Actually, sobrang pinagdadasal nilang magkakapatid na uma­bot pa sana ng kahit hanggang Feb. 7 si Mommy Beth dahil sa araw na ‘yon manganganak ang misis ng Kuya Omar nina Ray at RJ. Hindi na nito nakita ang pinakauna nitong apo.

Tinanggap na rin nina Rodjun at Dianne Medina na wala na ang kanilang Mama Beth sa kasal nila sa December.

Ang dinig namin ay lagpas P1 million ang nagastos nila sa ospital, mabuti na lang ay parehong may trabaho sina Rayver at Rodjun sa GMA.

***
Janine, Lotlot aligaga sa burol

Si Janine Gutierrez ang nag-first reading sa misa nu’ng ikalawang gabi ng lamay. Gabi-gabi roon ang pamilya ni Janine na aligaga rin sa pag-aasikaso sa wake.

Last night ay si Lotlot ang nag-ayos ng food dahil si Janine ang nagpa-cater. Ngayong gabi, ang alam namin ay sagot ng Star Magic ang catering.

Maraming nakiramay na Kapamilya dahil matagal si Rayver sa ABS-CBN at marami siyang naging kaibigan doon. Si Alden Ri­chards na close kay Rodjun ay dumating nu’ng first night.

Bukas ang huling gabi ng lamay, na sagot ng GMA ang pa-dinner.

Ayon kay Rayver ay doon na rin sa Manila Memorial Park sa Sucat ililibing ang kanilang ina. Itatabi ito sa puntod ng brother nito, na ama ni Sunshine Cruz.

Aminadong pare-parehong mama’s boy sina Omar, Rodjun at Rayver kaya hindi nila alam kung paano ang mabuhay na wala ang reyna ng kanilang tahanan na si Mommy Beth.