Exercise ng naka-mask

Ang sagot ay huwag! Ilang buwan na din naman tayong nasa sari-sarili nating mga tahanan. Nakuhang panatiliin ang ating kalusugan sa pamamagitan ng ehersisyo na hindi kinakailangang lumabas ng bahay. Nakapag- jogging, jump rope, stretching at weight lifting pa. Ang iba ay gumaya at sumunod sa mga videos kabilang ang aerobics, zumba, pati na yoga. Lahat ng ito ay sa kaginhawahan ng nasa bahay.

Kamakailan ay naibaba ang kategorya ng lockdown. MECQ, o modified enhanced community quarantine sa NCR o Metro Manila, karamihan sa mga probinsya ay GCQ o general community quarantine. Ibig sabihin, mas madami ang nakakalabas ng kanilang tahanan sa kung anumang dahilan, mapatrabaho o paggawa ng mga kinakailangan sa pang araw araw tulad ng pamamalengke o pagbili ng mga gamit o gamot.

Mayroon pangilan-ngilan na nakakalabas na sa kagustuhan maka ehersisyo o makabawi sa dami ng kinain nitong nakaraang mga linggo. Sila ay nagjogging o tumakbo, at may mga nagbisikleta. Ang iba naman ay simpleng ehersisyo na sa labas ng kanilang bahay ginagawa. Karamihang dahilan ay nayamot sa loob ng bahay at gusto madanas muli ang ehersisyo sa labas. Ngunit halos lahat ay nakasuot ng mask dahil kailangan ito ngayong panahon ng Covid19.

Walang problema ang pag-ehersisyo. Sa totoo lang, hinikayat natin ang lahat na magkikilos kahit nasa bahay lamang. Wala din problema ang pagsuot ng mask, lalo na at ito ang utos, at maari kang pagmultahin kung mahulihan na walang suot na mask. Ang problema ay pag itong dalawa ang pinagsama, dito tayo maaaring makakita ng kumplikasyon.

Ang pag-ehersisyo ay nagangailangan ng magandang pasok at labas ng hangin sa baga para mapanatili ang integridad at kapasidad nito. Ang isa pa ay para mapaganda ang daloy ng oxygen sa dugo para sa buong katawan dahil sa pagtaas ng pangangailangan nito habang nageehersisyo. Ang mask ay pinapasuot para maging harang at hadlang upang hindi makahawa o mahawa ng Covid19. Sumatotal hindi maaaring magsama ang dalawa.

Kung nasa loob ng bahay, hindi kailangan ang mask pag nag-eehersisyo. Kung magpupumilit lumabas para magehersisyo, kinakailangang magsuot ng mask at panatiliin ang social distancing. Huwag masyadong pwersahin ang sarili. Kung kakaiba na ang nararamdaman, tulad ng paghirap sa paghinga o paninikip ng dibdib, o dahil nabasa ang mask sa pawis, kailangan ninyong tanggalin ang mask at tumigil sa ensayo. Kung nabasa lang ang mask, palitan ito. Ngunit kung ang pakiramdam na ang naiba, maliban sa pagtigil ay abisuhan ang inyong kasama o di kaya tumawag na ng saklolo.

Lahat tayo, ang gusto ay mapanatiling maayos at malusog ang sarili nating katawan at mga mahal natin sa buhay. Ehersisyo ay isa sa kailangan nating bigyan ng pansin at panahon. Gawin natin ito ng tama.

Hanggang sa susunod na Martes! Keep healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing lingo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.