Expanded Maternity Leave Law pinusuan ng mga kongresista

Expanded Maternity Leave Law pinusuan ng mga kongresista

Ikinatuwa ng mga babaeng kongresista, kakampi man o hindi kasangga ng administrasyon, ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte para ganap na maisabatas ang 105-Days Expanded Maternity Leave Act.

Nagpasalamat si House committee on accounts Chairman at Leyte Rep. Yedda Marie Romualdez kay Pangulong Duterte.
“We thank President Duterte for supporting the proposal that would definitely give ample time for mothers to nurture, take care and breastfeed their newborns for the first 100 days. This will provide better benefits to ordinary working women,” pahayag ni ­Romualdez.

Sa ilalim ng Expanded Maternity Leave ay magiging 105 araw na ang paid maternity leave mula sa kasalukuyang 60 araw.

Inihayag ni House committee on wo­men and gender equality Chairperson at Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy na sakop ng batas na ito ang lahat ng kababaihan na may employer sa buong bansa.

Sa hanay ng oposisyon, maging ang ­Maka­bayan solon na si Gabriela Party-list Rep. Emmi de Jesus ay nagalak din sa pagsasabatas ng Expanded Maternity Leave.

Para naman kay Akbayan Party-list Rep. Tom Villarin na isa ring opposition solon, maituturing itong landmark legislation na nagtataguyod sa karapatan ng workforce ng bansa.