Extend Martial Law, welcome sa Kongreso

Welcome kay House Speaker Pantaleon Alvarez ang extension ng Martial Law at suspension ng writ of habeas corpus sa Mindanao.

“If necessary,” wika ni Alvarez nang tanungin kung susuportahan ng Kamara ang pagpapalawig sa 60-days martial law ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagsimula ang 60 days period ng batas militar sa Mindanao noong Mayo 23, 2017 at nakatakda itong mapaso sa Hulyo 22, o isang araw bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte sa Hulyo 24.

Nagpapatuloy pa rin ang military operations sa Marawi City na kinubkob ng pinagsamang puwersa ng Maute at Abu Sayyaf Group na naging dahilan para magdeklara ng martial law si Duterte sa buong Mindanao.

Liban dito, mangilan-ngilan pa lamang sa mga pinapa-aresto na sangkot sa rebelyon at terorismo ang nadakip at marami pa ang hindi nasusukol ng government forces.

Samantala, pinaninindigan ni Alvarez na hindi na kailangang magko-convene sa joint session ang Senado at Kamara.

“Just read the Constitution, what does it say? It says the President has to report to Congress – he will be the one to report and we’ll listen. It doesn’t say he’ll report and listen to us. It doesn’t make sense that the making the reporting will be the one listening,” ani Alvarez.

Mariin namang pinaninindigan ni Albay Rep. Edcel Lagman na kailangan pa ring mag-convene ang Senado at Kamara para pagdesiyunan ang validity ng martial law.