Extrajudicial settlement of estate

Atty. Claire Castro

Dear Atty. Claire,
Magandang araw po sa inyo attorney,
Nakita ko lang po ang isang Tonite online yung conversation ninyo ng isang netizen asking about land title kaya naisipan ko din po na magtanong sa inyo kaya po ako nag email sa inyo.

Namatay na po kasi ang mother ko, and yun pong nagpalaki sa knya ay namatay na din pero bago po ang lahat nakapagpagwa po ang matanda ng deed of sale na binili ng mother ko yung lupa at bahay niya kaya mula po noon c mother at father ko na ang gumagastos sa bahay. si father ko po ay buhay pa.

Sa ngayon po dito na kmi sa manila nakatira dahil andito ang hanapbuhay namin. Napagdesisyunan po ng father namin na ibenta na ang bahay at lupa ng mother namin.

Kasal po sila ng father ko at 3 po kaming magkakapatid. May bibili na po ng lupa at bahay namin, ano po ba ang unang una naming dapat gawin?
Salamat po,
Michelle

Ms. Michelle,
Nailipat na ba ang lupa sa pangalan ng nanay at tatay mo? Para kasing huminto kayo sa pagpapagawa ng Deed of Sale at pag-aasikaso at paggastos sa bahay.
Una mong alamin ay kung naibigay ba sa nanay at tatay mo ang titulo ng lupa kasabay noong gumawa ng Deed of Sale.

Alamin din kung nababayaran ang amilyar nito kada taon. Dahil kung wala kayong hawak na lupa ay kakailanganin pa ninyong magpa-issue ng owner’s duplicate copy of the title.

Kung wala pa naman titulo na na-issue ng gobyerno at tanging tax declaration lang ang hawak ninyo ay tanungin ang buyer kung sapat na tax declaration lang ang patunay na kayo ang may karapatan sa lupa.

Isa pang maaaring maging usapin ay kung hindi pa naisalin sa pa­ngalan ng nanay at tatay mo ang lupa ayon sa Re­gister of Deeds o Assessor’s Office ay kakaila­nganin pa na ayusin ang pagta-transfer ng pro­perty na ito sa kanilang pa­ngalan at magbabayad ng lahat ng taxes sa BIR at Assessor’s Office.

Dahil namatay na ang nanay mo ay kakaila­nganin na ring gumawa kayo ng extrajudicial settlement of estate patungkol sa share ng nanay mo.

Kailangan din na mai-publish ito at magbabayad kayo ng estate tax sa BIR. Kung papayag naman ng buyer na diretso na mailipat sa kanya ang titulo at kakailanganin naman ninyong gumawa ng extrajudicial settlement of estate with deed of sale pabor sa buyer pero magbabayad pa rin kayo ng estate tax at capital gains tax.

Bago magbenta ay kumpletuhin muna ang lahat ng dokumento.