Binitbit nina Prince Eze at Robert Bolick ang Saints sa 84-80 panalo laban sa Heroes kahapon sa fourth annual NCAA All-Star Game sa FilOil Flying V Center sa San Juan.
Binaon ni Bolick ng San Beda ang pandiin na tres 1:49 na lang sa laro para ilagay ang Saints sa ibabaw, 82-80.
Mintis ang ilang tangka ng Heroes kina CJ Perez (Lyceum), Kent Salado, (Arellano) at Francis Munsayac (EAC).
Naselyuhan ang panalo ng Saints sa dalawang freebies ni 6-foot-9 Eze ng Perpetual.
Kumayod si Nigerian Eze ng 17 points at 14 rebounds para hiranging All Star Game MVP.
“Eze played really well. Iba talaga si Prince pag walang kapalitan,” lahad ni Saints coach Boyet Fernandez ng San Beda.
Kumamada rin si Altas cager Gab Dagangon ng 14 points, 12 si Rey Nambatac ng Letran at seven markers kay Bolick.
Nilista ni CJ Perez ng Lyceum ang 15 markers at 4 steals sa Heroes.
Bilang bahagi ng NCAA Cares program ay nagsagawa ng free basketball clinics para sa street kids sa Quiapo.
Slam Dunk king si Lervin Flores ng Arellano, nilundagan sina Renato Ular ng Letran, comedian Empot Marquez na isa sa judges, at sportscaster Andre Felix at nakakuha ng perfect 10 mula sa judges na pinangunahan ni dating PBA star Jimmy Alapag.
Si JP Nieles ng Mapua ang hari ng Skills Challenge, nanaig sa 3-point shootout si Almel Orquina ng Mapua din. Iniuwi nina Gerald Dizon, GJ Ylagan at Jielo Razon ang Shooting Stars title.