Muli ay hindi pinaporma ng F2 Logistics ang RC Cola Army 25-16, 25-12, 25-15 sa second round ng Philippine Superliga All Filipino Conference sa The Arena sa San Juan kagabi.
Matapos makawala ang Cargo Movers sa Lady Troopers 25-22, 25-14, 22-25, 26-28, 15-10 noong Sabado ay umarangkada kagabi si PSL ambassador Mika Reyes ng 12 puntos at nag-ambag si team captain Cha Cruz ng 10 para sa F2.
“Sa amin kahapon, parehas pagod so mas bata lang ‘yung sa amin kaya alam namin na ‘yung mga players ko medyo masasakit ang katawan siguro doble sa kabila (advantage namin) kasi mas bata,” sabi ni F2 Logistics coach Ramil de Jesus.
Pinagsarhan ng Cargo Movers ang Lady Troopers matapos nilang kumana ng 11 blocks kontra sa zero ng Army.
Pinaalalahanan ni de Jesus ang mga bata niya na huwag nang bibigyan ng pagkakataon ang Army na makabawi kagaya ng nangyari noong Sabado.
“Pinaalala ko lang sa mga bata, ito ang sakit natin pagdating ng third set nakakakuha tayo ng mga sets ito ang problema natin so kapag naulit ulit, hindi tayo natuto. Eh ngayon natuto siguro kasi kinapitan nila ang third set,” aniya.
Nakauna na ang F2 Logistics sa second round preliminary bago harapin ang Petron at Foton para malaman ang puwestuhan sa knockout semifinals.
Tumapos si Jovelyn Gonzaga ng siyam na puntos para sa RC Cola Army.
Pinataob din ng Standard Insurance-Navy at Generika ang magkahiwalay na kalaban.
Binomba ng Corvettes ang Amy’s 25-17, 25-9, 25-14, at dinomina ng Life Savers ang Cignal, 20-25, 25-23, 25-23, 25-22.
Kumana si Pau Soriano ng 13 puntos para sa Standard Insurance-Navy para makauna sa 1-0 katabla ng Generika sa Group B sa second round.
Binitbit ni Angelica Macabalitao ang Life Savers sa kanyang 14 puntos.