Umarangkada ang F2 Logistics, Foton at Generika nang pataubin ang kani-kanilang kalaban sa Philippine Super Liga All Filipino Conference kahapon sa The Arena sa San Juan.
Pinangunahan ni Aby Marano ang atake para sa Cargo Movers para sagasaan ang Standard Insurance Navy, 26-24, 25-16, 25-14, sa unang laro.
Kumana si Marano ng 12 puntos, mula sa walong spikes at apat na blocks at si Ara Galang naman ay nag-ambag ng 10.
Nanatiling malinis ang talaan ng F2 Logistics at nakatabla ang RC Cola Army sa No. 1 spot (5-0).
Samantala, ang setter na si Kim Fajardo naman ay may 29 mula sa 31 na excellent sets ng F2 Logistics. Si Fajardo ay makakasama nina Jovelyn Gonzaga at Rachel Anne Daquis sa FIVB Women’s Club World Championship sa Oktubre.
Gumawa si Pau Soriano ng 10 puntos para sa Corvettes na nakuha ang ikatlong talo sa limang laro.
Sa sumunod na laro, hindi man lamang pinagpawisan ang Foton sa pakikipagsagupa nito sa Cignal, 25-20, 25-21, 25-9.
Nagpamalas ng tibay si Jaja Santiago sa kanyang 14 puntos, mula sa 11 attacks at tatlong blocks, si Sisi Rondina naman ay nag-ambag ng 10 para sa Tornadoes.
Masaya si Foton coach Vilet Ponce de Leon sa pinakita ng kanyang mga bata matapos madaig ng RC Cola Army, 20-25, 25-27, 25-23, 20-25, noong Sabado.
“‘Yung team nag-step up sa gusto namin mangyari kasi hindi kami natuwa sa previous game namin,” saad ni Ponce de Leon.
“So far happy naman kami doon sa development compared sa mga first games namin, ngayon paangat na game namin, siguro 85-90 percent na kami maganda nga ang mangyayari pe-peak kami towards second round,” dagdag niya.
Tumapos si Cherry May Vivas ng 11 marka para sa Cignal na nakuha ang ikalimang talo sa anim na laro.
Sa huling laro, niluto ng Generika ang Amy’s Kitchen sa sarili nitong mantika, 25-16, 25-23, 25-15.
Nakabawi ang Life Savers sa, 21-25, 25-22, 22-25, 18-25, na talo nito sa Cignal noong Sabado.