Mga laro ngayon (The Arena, San Juan) 
5:00 p.m. — F2 Logistics vs. Cignal 
7:00 p.m. — Petron vs. Foton

Pareho ang misyon ng defending champion F2 Logistics at preliminary topnotcher Foton: rebansehan ang mga katunggali nila ngayong araw sa knockout semifinals ng Philippine Superliga All-Filipino Conference sa The Arena sa San Juan.

Haharapin ng Cargo Movers ang tigasing Cignal sa first game, katapat ng Tornadoes ang Petron sa nightcap.

Sumadsad sa kanilang unang dalawang laban sa group stage ang F2 Logistics kasama ang 25-27, 21-25, 25-21, 19-25 pagsemplang sa HD Spikers.

Pero nakabangon ang two-peat seeking Cargo Movers matapos ikadena ang limang sunod na panalo kasama ang three-set win na 25-14, 25-18, 25-17 kontra Generika-Ayala sa quarterfinals.

Nadungisan naman ang malinis na baraha ng Foton sa preliminary phase matapos yumuko sa Blaze Spikers 20-25, 25-18, 25-21, 19-25, 11-15.

Ibabandera ng F2 Logistics sina Ara Galang at national team member Kim Dy para sumampa muli sa championship round.

Walang nakalalamang sa dalawang pares na semis dahil sa kani-kanilang pambato kaya inaasahang magiging dikdikan ang labanan.

Isa lang ang sigurado – lahat naghanda para makasampa sa best-of-three finals.