F2 kargado, balik trono?

Nagpalakas ng roster ang tigasing F2 Logistics, hinugot ang malupit na si Lindsay Stalzer bilang import sa 7th Philippine Super Liga 2019 Grand Prix na magsisimula sa Sabado sa Ynares Sports Arena, Pasig.

Makakasama ni Stalzer ang kapwa import American-Italian Becky Perry upang gabayan ang Cargo Movers at tulungan sa minimithing ikalawang korona sa kom­perensya o ikaapat sa pangkalahatan.

Si Stalzer ay naging reinforcement muna ng Foton Tornadoes at defending champion Petron Blaze Spikers patungo ang paghataw sa F2 Logistics.

Bukod kina Stalzer at Perry, tinapik ng Cargo Movers ang serbisyo nina Michelle Morente at Klarisa Abriam para madagdagan ang armas sa opensa.

Tiyak na huhugot ng puwersa pa si Cargo Movers coach Ramil de Jesus sa mga datihan sa team na sina Aby Maraño, Ara Galang, Cha Cruz-Behag at Kianna Dy.

Ang ibang bagong miyembro sa F2 Logistics ay sina setter Alexine Cabanos at Bien Elaine Juanillo.