Laro sa Nob. 3 (FilOil Flying V Center)
 3 pm — F2 Logistics vs Cignal
5 pm — Foton vs Generika
7 pm — RC Cola-Army vs Petron

Binuhat ni Stephanie Niemer ang Petron para pataubin ang F2 Logistics, 25-17, 25-22, 25-19, upang kunin ang ikalawang sunod na panalo sa Philippine Super Liga Grand Prix sa The Arena sa San Juan kahapon.

Nagpakawala si Niemer ng 21 puntos para sa Tri-Activ Spikers, na umarangkada na sa 2-0 win-loss card.

Si team captain Ces Molina ay nag-ambag ng 12 points, kasama na ang anim sa 14 service aces ng koponan, si Aiza Maizo-Pontillas ay nagtala ng siyam at si American import and 6-foot-5 middle blocker Serena Warner ay mayroong walong marka.

“Sobrang happy kami kasi ang performance namin gumaganda,” paha­yag ni Petron coach Shaq delos Santos.

“Swerte kami sa import namin, both imports, kasi ang middle namin (Serena Warner) sobrang sipag mag-block and ‘yung isa (Niemer) ang galing sa service. Good thing nagco-contribute din ng maayos ang locals namin,” dagdag niya.

Tumapos si Sydney Kemper ng siyam na puntos para sa F2 Logistics, na nalaglag sa 0-2 matapos magtalo sa defending champion Foton sa opening day.

Samantala, taliwas sa naunang pahayag ng team ay naglaro na si Ara Galang, na naunang napabalita na mawawala ng tatlong linggo para ipahinga ang inoperahang kanang tuhod.