Minadali ng defending champion F2 Logistics ang Cherrylume 25-5, 25-10, 25-11 para pahabain sa tatlo ang winning streak sa Philippine Super Liga All-Filipino Conference kagabi sa The Arena sa San Juan.

Walang kahirap-hirap na tinaob ng Cargo Movers ang Iron Lady Warriors, inabot lang ng 54 minutes bago nilista ang 3-2 card sa second round.

Nagtala si Kim Dy ng 11 points, may tig-nine sina national team member Aby Maraño, Majoy Baron at ­Desiree Cheng para sa F2 Logistics na solo sa unahan ng Pool D.

“Target namin mag-No. 1 sa Pool D para ‘yung huli sa Pool C ang makakalaban namin sa quarterfinals,” saad ni Cargo Movers coach Ramil De Jesus.

Dalawang sunod na talo ang F2 Logistics sa first round bago nakatikim ng ­panalo.

Ayon kay De Jesus, sinabihan nito ang kanyang mga bataan na ipakita sa kala­ban ang kanilang lakas para paghandaan na rin ang susunod na phase.

“Malalakas kasi ang makakalaban namin sa quarterfinals kaya dapat mataas­ ang laruin namin,” ani De Jesus.

Dominado ng F2 Logis­tics ang Cherrylume sa ­attacks (39-10), blocks (6-2) at service aces (12-1).

Nagtala si Mariella Ga­barda ng four points, may tig-three sina Zilfa Geline Olarve at Ma. Erika Lope­z para sa Iron Lady Warriors na wala pang panalo sa limang laro.

Sa unang laro, nanaig ang Petron sa Generika-­Ayala 25-21, 24-26, 25-21, 25-18 para ilista ang 3-1 baraha at saluhan ang Cignal sa ­second spot ng Pool C.