F2 o RC Cola sa solo-liderato?

Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Center)

2:30 p.m. — Amy’s vs Cignal
4:30 p.m. — Petron vs Standard Insurance-Navy
6:30 p.m. — RC Cola-Army vs F2 Logistics

Inaasahan ang matinding aksiyon sa paghaharap ng dalawang higanteng koponan — RC Cola-Army at F2 Logistics — na kapwa hangad mapanatili ang malinis na baraha, sa pagpapatuloy ngayon ng 2016 PSL All-Filipino Conference women’s volleyball tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan.

Magkasalo sa liderato sa tangang parehong 6-0 win-loss card, matapos ang alas-6:30 ng gabi na match, isa sa Cargo Movers at Lady Troopers ang magsosolo sa tuktok.

Halos alam na kung sino ang sasampa sa Final Four dahil sa karta ng RC Cola-Army, F2 Logistics, Petron at Foton pero importante ang laban ng Lady Troopers at Cargo Movers dahil malalaman kung sino ang magiging top seed pagtapos ng elimination round.

Ayon kay RC Cola-Army coach Kungfu Reyes mas agresibo ang mga batang Cargo Movers para masikwat ang titulo kaya naman pina-plano nila na gamitin ang kanilang experience para maging bentahe nila sa laban sa event na suportado ng KLab Cyscorpions, Mikasa, Mueller at Asics  kasama ang TV5 bilang official broadcast partner.

“They are obviously better than us skills-wise,” ani Reyes na inaasahan ang experience nina Jovelyn Gonzaga, Rachel Anne Daquis, Honey Royse Tubino at playmaker Tina Salak ang magiging sandalan nila para talunin ang Cargo Movers.

Masaya naman si F2 Logistics coach Ramil de Jesus sa performance ng kanyang mga player­s lalo na sa pagkakapanalo nila kontra reigning champion Petron Tri-Activ Spikers Batangas City Coliseum. “We know how fluid Army is,” saad ni de Jesus.

Sa unang laro, magtatapat ang Amy’s at Cignal sa alas-2:30 ng hapon habang magkakaldagan ang Petron at Standard Insurance-Navy sa 4:30 ng hapon.