Mga laro sa Sabado:The Arena, San Juan City
2:00 p.m. — Amy’s vs Cignal
4:00 p.m. — Petron vs Standard Insurance-Navy
6:00 p.m. — RC Cola-Army vs F2 Logistics
Ayaw mag-iwanan ng F2 Logistics Cargo Movers at RC Cola-Army Lady Troopers matapos magtala ng magkahiwalay na panalo kahapon sa 2016 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference women’s volleyball tournament sa Batangas City Coliseum sa Batangas.
Winalis ng Lady Troopers sa tatlong sets ang Generika, 25-13, 27-25, 25-19 habang pinagpag ng Cargo Movers ang defending champion Petron Tri-Activ Spikers, 25-15, 19-25, 25-19, 25-9.
Magkasalo sa top spot ang F2 Logistics at RC Cola-Army na may tig 6-0 records pero paniguradong maghihiwalay ang landas nila pag-krus nila ng daanan sa darating na Sabado.
Tumipa sina Rachel Anne Daquis at Jovelyn Gonzaga ng tig 13 points para sa RC Cola-Army na pinabagal nila ang laban para maging bentahe sa kanila.
“Dumiskarte lang kami, binagalan namin ‘yung tempo para hindi na makabalik ang kalaban,” wika ni Army coach Kungfu Reyes.
Umiskor si Chloe Cortez ng nine points para sa Generika na nalasap ang pang-limang talo sa pitong laro.
Nagtulong-tulong naman ang Cargo Movers para mapabagsak nila ang matitigas na Tri-Activ Spikers.
Kumana si rookie Ara Galang ng 12 pts. habang bumakas sina Mika Reyes, Aby Maraño, Kim Dy at skipper Cha Cruz ng tig nine points para sa F2 Logistics.
Nagtala ng magkasamang 21 points sina Aiza Maizo at Ces Molina para sa Petron na may 4-2 karta.
Sa pangatlong laro, tinalo ni Foton ang Standard Insurance-Navy, 25-11, 25-22, 25-11.
Samantala, maluha-luha si Petron libero Jen Reyes ng mabigyan ito ng “Golden Ticket” para makasama sa Philippine Superliga (PSL) All-Stars team na sasabak sa FIVB Women’s Club World Championship sa darating na October sa Mall of Asia Arena.
Pang-apat na miyembro si Reyes sa PSL All-Stars team, nauna sa kanya sina RC Cola-Army teammates, Daquis at Gonzaga at si F2 Logistics Kim Fajardo.