F2 vs Foton: TODO NA ‘TO!

Laro ngayon:(FilOil Flying V Center)
5 p.m. — F2 Logistics vs Foton

Magkakaalaman na kung sino sa F2 Logistics at Foton ang tatanghaling All-Filipino Conference champions.

Sa huling pagkakataon, inaasahang itotodo na ngayon sa Game 3 ng dala­wang koponan at isa ang mag-uuwi ng korona ng PSL women’s volleyball tournament sa FilOil Flying V Center sa San Juan.

Nakauna ang F2 Logistics matapos balatan sa five sets ang Foton, 25-20, 25-14, 9-25, 20-25, 15-10 sa Game 1.

Rumebanse ang Tornadoes sa Game 2 matapos kalusin ang Cargo Movers, 18-25, 25-17, 25-22, 25-18 para itabla ang serye sa 1-1 sa prestihiyosong inter-club tourney na suportado ng KLab Cyscorpions, Mikasa, Mueller at Asics kasama ang TV5 bilang official broadcast partner.

Nakakuha ng 39 errors sa Game 1 ang Tornadoes pero naibaba nila sa 23 sa Game 2 para mahirit nila ang rubber match.

“We were finally able to solve our problems in Game 1,” ani Foton coach Vilet Ponce-de Leon, na gagabayan din ang kanyang koponan sa AVC Asian Women’s Club Championship sa Set­yembre 3 hanggang 11 sa Biñan City.

Nag-deliber si veteran Rhea Dimacu­langan ng 36 sa kanyang 39 excellent sets  na pinakinabangan nina Jaja Santiago, Cherry Rondina, Maika Ortiz at Patty Orendain kaya nakabawi ang Foton sa Game 2.

Bumanat si 6-foot-6 Santiago ng 14 kills, three blocks at two aces para sa 19 points job habang tumikada sina Rondina, Ortiz at Orendain ng 15, 13 at 10 hits ayon sa pagkakahilera.

“We have to be careful because F2 Logistics is such a strong team who can bounce mightily after a bad loss. We have to be at our best for one last time this conference.” sabi ni de Leon.

Matapos yumuko ang F2 Logistics sa Game 2, pinag-aralan ng Cargo Movers ang kanilang laban at nalaman nila kung saan sila nagkamali ayon kay assistant coach Benson Bocboc.

Sinabi ni Bocboc, chief statistician ni head coach Ramil de Jesus, na tinatarget ng kanilang kalaban si main spiker Ara Galang.

“We have to address these issues in practice,” sabi ni Bocboc. “We played an average good game, but Foton played great. They cut down their errors and did a good job hitting Ara from the service line. We have to improve that if we want to win the title on Wednesday (Ngayon).”

Isusunod agad ang closing ceremonies at pagbibigay ng individual awards pagkatapos ng laban.