Facebook, Twitter kampanya bantay-sarado sa Comelec

Isinama na rin ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang rules and regu­lations sa ilalim ng Republic Act No. 9006 o Fair Elections Act ang paggamit ng social media para sa propaganda ng mga kandidato sa May 13 midterm elections.

“Each registered political party and candidate shall register with the Education and Information Department of the Comelec, the website name and address of the official blog and/or social media page of such political party or candidate,” batay sa Comelec Resolution No. 10488 na may petsang Enero 30 pero kahapon lang inilabas.

Sinabi pa ng Comelec na ang iba pang blog o social media page gaya ng sa Facebook at Twitter na nag-eendorso ng kandidato ay ituturing na blog o social media page ng naturang kandidato.

Nakasaad din na kinakailangang magsumite sa Comelec ang mga internet company ng “validated information” tungkol sa mga advertising agency o kandidato na maglalagay ng online political advertisements.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng Comelec ang mga kandidato sa halagang gagastusin nila sa panahon ng pangangampanya.

Ang mga kandidato na kabilang sa isang partido politikal ay pinapayagang gumastos ng P3 kada botante at ang mga independent candidate ay P5 para sa kada botante habang P5 rin kada botante para sa mga party-list group.

Magsisimula ang campaign period para sa mga kandidatong senador at party-list sa Pebrero 12 at Marso naman sa mga lokal na kandidato.