Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na tatlong beses nang nagpadala ng liham sa kanya si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon at hinihiling nitong alisin na siya sa puwesto.

“Si Faeldon has written me thrice… asking me to relieve him noon pa ‘yan pag-umpisa pa ‘yan,” ayon sa Pangulo.

Mismong si Faeldon naman umano ay umamin sa kanya na hirap itong supilin ang bulok na sistema at katiwalian sa nasabing ahensya.

“Sabi n’ya, ‘hindi ko natupad ‘yung pangako­ ko sa’yo’ and he was right, sabi n’ya ‘hindi ko nakontrol, sir, hindi ko talaga kaya eh’, because the Customs may pagka-x rated pa, hardcore… it is corrupt to the core,” wika ni Pangulong Duterte.

Ganunpaman ay kumbinsido ito na sa kabila ng bulok na kalakaran ng katiwalian sa BOC ay hindi umano nakisawsaw dito si Faeldon.

Ayon sa Pangulo, hindi naman sa dinedepensahan niya si Faeldon, pero kumpiyansa siya na hindi ito kasali sa mga kurakot na kawani ng Customs.

Matatandaan na sumabog ang P6.4B shabu controversy sa ilalim ng pamumuno ni Faeldon sa BOC.