Ano kaya ang reaksyon ng mga kritikong gigil na gigil kay Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa pinakahuling statement ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kontrobersiyal niyang opisyal?

Sa isang talumpati kahapon ng hapon ni Duterte sa Malacañang habang tinalakay ang ilan sa pa­ngunahing tinututukan ng gobyerno, katulad ng katiwalian at ilegal na droga ay nabanggit niya ang sitwasyon sa Bureau of Customs (BOC).

Alam ng pangulo na may malaking problemang nangyari sa pinamumunuang tanggapan ni Faeldon at ang deskripsyon ng pangulo sa pangyayari ay nalusutan si Faeldon ng mga korap sa nasabing tanggapan.

Pero humirit ang pangulo at nagsalita ng “d’yan muna si Faeldon” (na ang ibig sabihin ay mananatili pa ito sa BOC.

Malinaw din sa pahayag ng pangulo na wala pang sibakang mangyayari sa BOC.

Papaano ngayon ang apela ni Speaker Pantaleon Alvarez na pagbitiwin na si Faeldon para bigyan daw ng kahihiyan ang pangulo kung pinapanatili pa siya sa puwesto ni Pangulong Duterte?

Masyadong masalimuot ang mga kaganapan sa BOC.

Pero nagdesisyon na ang pangulo, pinananatili nito sa puwesto si Faeldon sa hindi natin malamang kadahilanan na dapat irespeto ng lahat, lalo na ng mga kaalyado nito.

Dahil nagdesisyon ang pangulo, malamang ay may mas maganda siyang magagawa para resolbahin ang matinding problema sa korapsyon sa BOC.

Sobrang lala ng korapsyon sa BOC na sa aking palagay ay hindi talaga kakayaning labanan ng isang katulad lamang ni Com. Faeldon.

Unang-una, ito ay dahil kahit sinong lider ang italaga kung sila at sila rin naman o ang mga kasalukuyang tauhan ang kikilos, walang pagbabagong mangyayari sa kabuuan ng kawanihan. Iiral at mangingibabaw pa rin ang korapsyon.

Tama ang tinuran ni Senador Bam Aquino na nabasa ko sa kanyang tweet sa social media na kahit lahat mag-resign hindi matatapos ang corruption sa customs kaya dapat ang sistema na ang palitan.

Sabi pa ng senador, baka hindi sapat na tao o structure lang ang palitan natin sa Customs, dapat sistema na.

Pasok na pasok sa aking paniniwala ang pahayag na ito ni Sen. Bam, kaya bakit hindi ito subukang gawin, tutal din naman ay suko na tayo sa walang katapusang kalokohang nangyayari sa BOC kung saan ay mismong mga opisyal pa nila ang kumukumpirma sa lagayan o aregluhang nangyayari kapalit ng pagbibigay luwag sa mga kontrabando.