Faeldon makukulong kapag…

Nicanor Faeldon

Kung hindi pa rin haharap sa pagdinig ng Senado ngayong umaga, ipakukulong na ni Sen. Richard Gordon si dating Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon.

Ito ang tiniyak ni Gordon sakaling hindi dumating si Faeldon sa resumption ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa P6.4 bilyong shabu na lumusot sa green lane ng BOC noong Mayo.

“Iko-contempt ko siya. He will be place in a jail to be decided by the Senate,” babala ng chairman ng komite.

Noong Biyernes ay pinadalhan ng final warning si Faeldon na ipapaaresto at ipapakulong ito ng Senado kapag hindi pa rin sumipot sa pagdinig, kung saan nangako naman ang dating BOC chief na dadalo siya sa hearing.

Ayon pa kay Gordon, hindi rin niya papayagan na manahimik lang sa hearing si Faeldon dahil maaari din niyang patawan ito ng contempt.

Marami pang katanungan na dapat umanong sagutin si Faeldon, tulad na lamang kung bakit pinayagan niyang makalusot sa green lane ang kargamento na naglalaman pala ng 604 kilo ng shabu na nakatago sa mga cylinder.

Ang nasabing kargamento ay ibiniyahe pa ng trucking service ng broker na si Mark Taguba patungong warehouse sa Valenzuela City bago ito itinimbre ng China Customs na naglalaman ng shabu kung kaya’t ni-raid ng personnel ng BOC.

Naniniwala naman si Sen. Antonio Trillanes IV na maraming lihim na itinatago si Faeldon hinggil sa nasabing drug shipment dahil malalaking tao ang masasagasaan dito.