Fajardo, 3 pa ingat sa balik hard court

Nagtagpo-tagpo ang PBA bigs pero hindi sa hard court kundi sa social media nitong nakaraang Linggo.

Nasa 30-minute online show sa PBA Facebook sina Asi Taulava ng NLEX, June Mar Fajardo ng San Miguel, Beau Belga ng Rain or Shine at Marc Pingris ng Magnolia.

Sa dulo ng PBA Kamustahan na ini-host ni Noel Zarate ay sumali rin si Commissioner Willie Marcial.

Kanya-kanyang pananaw ang players sa estado ng 45th season na sinuspinde noong March 11 dahil sa coronavirus. Wala pang kasiguruhan kung itutuloy pa ang mga laro.

“Baka PPE na nga ang maging uniform, eh,” sundot ni Pingris.

Si Taulava na pa-retire na sana pagkatapos ng Philippine Cup, aminadong mag-iiba na ang complexion ng laro pagbalik.

“We can’t do the things we used to do in the past – grabbing each other, and doing certain things. Everybody is going to be cautious,” anang 6-foot-9 Fil-Tongan, sa edad 47 ay nasa pang-21 season na.

Bahagi ng ‘new normal’ pagkatapos mapigil ang pandemic ang social distancing na umiiral na rin ngayon. Habang nasa enhanced community quarantine pa, bawal din ang mass gatherings kabilang ang sports events at sarado ang gyms.

Ituloy man ang season, posibleng isang conference na lang bago matapos ang taon.

“Kailangan natin sundin ang protocol ng gobyerno at ng Department of Healt,” paalala ni Marcial.

Aminado si Belga na hindi agad-agad maibabalik ang dating nakagawian.

“Hindi naman puwedeng after ng pandemic, isang buhos lang back to normal na,” aniya.

Si Fajardo ay nagpapagaling mula fractured shin, out na sa season kahit ituloy ang mga laro, inayunan ang mga kapwa slotman.

Mas lalo sa fans, gigil na ring bumalik sa court ang players. Kapag nawala na ang banta ng COVID-19, magiging normal din ang lahat.

“Magkikita-kita tayo ulit sa PBA,” diin ni Belga. (Vladi Eduarte)