Fajardo bumubuti na ang kalagayan

Wala ngayong ibang hangad si six-time Philippine Basketball Association (PBA) Most Valuable Player June Mar Fajardo kundi ang gumaling mula sa kanyang leg injury.

“Gagawin ko lahat para maganda ‘yung recovery ko,” kumpiyansang pahayag ng 6-foot-10 center ng San Miguel Beer sa 2OT podcast.

“Sa ngayon, iniisip ko kung paano lumakas ulit, gumaling ang injury ko, proper healing,” dugtong ng 30-year-old Cebuano cager kung saan inaasahan na niyang makakalakad na siya nang maayos sa Mayo.

Nagka-injury si ‘The Kraken’ matapos mabalian sa kanyang right tibia noong Pebrero 3 dahilan para matengga sa 45th o 2020 PBA season.

Pero ngayon ay tiwala siyang makakayanang malampasan ang karamdaman, bumubuti na aniya ang kalagayan niya.

“Okay naman. Ngayon, nakalakad na ako. Mga siguro, nasa 70-80% na ang weight ko ang pwede ko ilagay sa paa ko,” saad pa ng basketbolista.

Ayaw umasa sa saklay ng eight-time PBA champion.

“Ayun, baka next month, makakalakad na ako ng walang crutches, ng walang walker,” panapos ng dating national baller.

Kasabay sa suspensyon ng pro loeague dahil sa enhanced community quarantine bunsod ng coronavirus disease2019 (COVID-19) pandemic, kanya itong sinasamantala para tuluyang makarekober. (Aivan Denzel Epicope)