Nakakapanibagong katiting na minuto lang ang itinagal sa laro ni June Mar Fajardo sa 84-46 win ng Team Pilipinas kontra Qatar Biyernes ng madaling-araw sa Al-Gharafa Sports Club Multi-Purpose Hall sa Doha.
Sina Fajardo at naturalized Andray Blatche ang kadalasang may pinakamahabang minuto para sa Pinoy quintet sa FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Kontra Qataris, tumagal lang ng 3 minutes sa loob ang 6-foot-10 big man, mintis pa ang nag-iisang tira at puro blangko na ang kanyang stat sheet.
Sa final 47 minutes na ipinasok ni coach Yeng Guiao si Fajardo.
Mintis ang layup ni Fajardo 7:22 sa second period, makalipas ang apat na segundo ay inilabas na siya.
May sakit pala ang The Kraken kaya hindi na ipinilit ni Guiao.
“June Mar Fajardo tried to play the game but he was sick,” paliwanag ni Guiao sa postgame news conference.
Hindi na rin kinailangan ang inside presence ni Fajardo dahil sa pambabarako ni Blatche na tumapos ng 17 points at 15 rebounds, may 7 assists pa.
Nag-click din ang outside shooting ng Nationals, mas marami pang naipasok sa 3-point range (15 for 30) kumpara sa perimeter (11 of 27).
Perpektong 4 for 4 mula long range si Marcio Lassiter tungo sa 14 points, 3 for 4 sa labas ng arc si Paul Lee na may 13 points. Si Blatche ay 3 for 8 din sa downtown.
Inaasahang makakarekober na si Fajardo mula sa hindi binanggit na sakit kapag hinarap ng Filipinos ang Kazakhstan bukas, Feb. 24, sa final game ng qualifiers.
Sa 6-5 win-loss card sa Group F, must-win ang Pilipinas sa Kazakhstan para magkaroon ng tsansa sa World Cup proper sa China sa August.