Una pa lang, pinaramdam na ng San Miguel Beermen ang kanilang tikas sa naghihikahos na NLEX Road Warriors tungo sa 121-111 panalo sa second game ng PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum Biyernes ng gabi.
Sa first quarter, dalawang puntos lamang ang naibutas ng tropa ni NLEX head coach Yeng Guiao kontra sa rumatsadang 21 points sa pagbibida ng tatlong sunod na tres ni Arwind Santos sa unang tatlong minuto.
Umabot agad sa 19 puntos ang abante ng SMB sa unang yugto 30-9, nakalapit sa pagsisimula ng second quarter ang Road Warriors 34-22 ngunit nanatili ang pananalasa ng defending champions.
Sa pagtutulungan nina Paul Zamar, June Mar Fajardo, Marcio Lassiter at Santos, muling lumobo ang kalamangan sa 25, 63-38, papasok sa halftime.
Tuluyan nang nawala sa pokus ang NLEX, sumirit pa sa 31 ang lamang sa bisa ng and-one dunk ni Fajardo sa third canto, 73-42.
Pitong manlalaro para sa SMB ang bumakas ng double-digits, nanguna si Fajardo na may 27 points at 13 rebounds, sunod si Alex Cabagnot na kumamada ng 18 points, apat na rebounds at tatlong assists.
Maganda rin ang nilaro ng lead guard ng San Miguel na si Chris Ross sa all-around performance 12 points, eight rebounds at pitong assists.
Para sa NLEX, si JR Quiñahan ang umatake hawak ang 17 points at siyam na rebounds, ayuda rin ang kapwa sentro na si JP Erram na tumapos naman ng 16 points at seven boards.
Angat sa solo fourth spot ang San Miguel tangan ang limang panalo kontra sa tatlong talo, samantalang nanganganib naman ang NLEX na hindi makasampa sa quarterfinals na sadlak sa limang talo sa pitong laro.