Fajardo, San Miguel pinagpag ang NLEX

June-Mar-Fajardo

Naipagpag ng San Miguel Beer ang mabagal na umpisa para sagasaan ang NLEX 125-114 sa huling edisyon ng Petron Saturday Special ng PBA Commissioner’s Cup sa Calasiao Sports Complex sa Pangasinan.

Nasa unahan pa ang Road Warriors 34-31 pagkatapos ng first quarter, pero tinapos ng Beermen ang hu­ling tatlong minuto ng first half sa 14-4 run para lumamang 65-55 sa break.

Nilista ni Marcio Lassiter ang lahat ng 26 points mula second period patawid ng third para panatilihin sa unahan ang San Miguel, abante pa rin 97-85 pagkatapos ng three. Hindi na naibaba ng NLEX ang hinahabol sa single digits.

Namuno sa Beer ang 30 points ni June Mar Fajardo mula sa 12 of 22 field goal shooting, nagbaba pa siya ng 13 rebounds. Nagsumite ng 25 points at 16 boards si Balkman.

Si Lassiter na may 15 markers sa third ay 6 for 9 mula sa 3-point range at 10 of 17 sa field. May 17 pa si Alex Cabagnot, tumapos ng 12 points at eight assists si Chris Ross.

May 2 points at tig-isang rebound at assist sa loob ng 13 minutes si Kelly Nabong sa kanyang unang laro sa San Miguel matapos mai-trade mula GlobalPort.

Umangat sa 4-5 ang SMB at kumapit sa No. 5 spot.

Nabaon pa sa 2-8 ang out na sa kontensiyon na NLEX, humugot ng 43 points at 14 rebounds mula kay Arnett Moultrie. Maangas ding 18 points ang inambag ni Asi Taulava na 5 of 9 sa field at may nine boards. May dalawang laro pa ang Beermen kontra Blackwater sa July 4, bago harapin ang Magnolia sa pagtatapos ng eliminations sa July 7.