Nakatakdang makipagpulong si Yeng Guiao sa PBA Board ngayong tanghali, pagkatapos ay inaasahang ihahayag na ng national coach ang bubuo sa kanyang training pool na isasabak sa susunod na window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.

Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, gustong marinig ng board mula kay Guiao kung ano ang adjustments at arrangments na kailangang gawin ng liga bilang suporta sa misyon ng Pilipinas na makapasok sa World Cup.

Ilan sa mga matunog na mauuna sa listahan sina June Mar Fajardo, Greg Slaughter at Gabe Norwood.

Inaasahan ding masasama sa pool si Andray Blatche, at ang mga posibleng pamalit sa kanyang puwesto bilang naturalized player na sina Christian Standhardinger at Stanley Pringle.

Sa susunod na window ay iho-host ng Pilipinas ang Kazakhstan sa Nov. 30 at Iran sa Dec. 3, parehong sa MOA Arena.

Dinagdag ni Marcial na magbe-break ang PBA Governors Cup para bigyang-daan ang dalawang home games.

Nauna nang inihayag ni Guiao na ikokonsidera niya ang players na naglaro sa huling FIBA window, at mga dating Gilas na sinuspinde ng FIBA dahil sa riot sa Pilipinas-Australia match noong July.

Naglaro kay Guiao sa September window ng FIBA WCAQ sina Paul Lee, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Scottie Thompson, Poy Erram, Ian Sangalang, Allein Malicsi, Beau Belga at Asi Taulava.

Nasabi na rin dati ng national coach na gusto niyang isama sa pool para mahasa si 16-year-old 7-foot giant Kai Sotto.