Fake news ang video ng pamamaril sa rider – Eleazar

Nilinaw ni Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar na isang simulation exercise lamang para sa worst-case scenario laban sa mga armadong lumalabag sa quarantine checkpoint ang kumakalat na video sa social media ng umano’y pamamaril sa isang motorcycle rider.

Ayon kay Eleazar, commander ng Joint Task Force COVID Shield, agad nilang inalam sa kanilang mga tropa kung saan nangyari ang lumabas na video at nalaman na kuha pala ito sa isinagawang simulation exercise sa Sipocot, Camarines Sur noong Abril 23.

Aniya, totoo ang video subalit ito’y pagsasanay lamang laban sa mga armadong lumalabag sa quarantine checkpoint.

Gayunman, ang inilagay aniya na caption sa kumalat na video ay nakatuon sa paninira sa mga police frontliner at kawalan ng respeto sa Philippine National Police (PNP) sa pamamagitan ng paggamit sa nangyaring pagkakabaril at pagkamatay ni ex-Army Cpl. Winston Ragos sa quarantine checkpoint sa Brgy. Pasong Putik, Quezon City noong Abril 21.

Giit ni Eleazar, kinasuhan na ang pulis na si MSgt. Daniel Florendo Jr. na nakabaril at nakapatay sa ex-army at ito’y patunay na tumatalima sa batas maging ang mga tagapagpatupad nito.

Kasabay nito, nanawagan si Eleazar sa publiko na maging responsable sa paggamit ng social media.

“You are free to criticize or praise us but please do not disrespect our uniform, our organization using fake news. You are free to hate or love us, but please let us do our job, our mandate of protecting our country from the threat of COVID-19,” dagdag pa ni Eleazar. (Dolly Cabreza)