Fake news at kuryente

For The Record ny Boyet Jadulco

Matagal nang usap-usapan sa party-list system na para manatili kang kinatawan sa Kamara, kinakaila­ngan mong magpasiklab upang hindi ka mapalitan ­bilang kinatawan ng organisasyon sa Kamara. Ito marahil ang ginagawa ngayon ni Bayan Muna party-­list Rep. Carlos Zarate nang paimbestigahan ang umano’y midnight deal ng isang electric distribution company sa Energy Regulatory Commission (ERC).

Subalit sa hearing ng House committee on energy­ at good government noong Hulyo 4, 2017 supalpal agad si Zarate matapos itanggi ni Meralco regulatory management office head at first vice president Ivanna Dela Peña ang alegasyon ng kongresista.

Tiniyak din ni Dela Peña na ang pitong power supply agreements (PSA) na isinumite sa ERC para sa ­approval ay magreresulta ng pinakamababang singil sa kuryente. Ang PSAs daw kasi ang magiging pana­lag sa mataas na presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).

Sa paghahangad ni Zarate na maging pogi sa lide­rato ng party-list organization, inilako nito ang kur­yenteng balita sa publiko. Ang ‘kuryente’ ay terminong ginagamit ng mga reporter kapag isinulat o ini-report ang balitang halaw sa mga pekeng detalye.

Sa pagnanais na kagatin ng publiko ang kanyang pag-iingay, binansagan niyang midnight deal ang transaksyon kahit na malabo ito sa katotohanan. Ginagamit ang terminong midnight deal kapag may pinasok pang tran­saksyon sa pagtatapos ng termino ng isang opisyal. Sa kaso ng PSAs ng nasabing distribution firm, noon pang 2012 nagsimula ang negosasyon at natapos lang noong 2016.

Ano tuloy ang pinagkaiba ngayon ni congressman sa ibang blogger na nagpapakalat ng fake news sa ­social media? Maituturing din kasing fake news ang ipinagkakalat ni congressman dahil karamihan ng kanyang ipinaglalaban ay walang katotohanan.

Eh sa kabuuan kasing 90 PSAs, ito lang pitong PSAs ang pinag-iinitan ni congressman. Anong me­ron sa 83 PSAs at hindi niya ito ginagalaw? Sa pagkakalat ng kuryente at fake news ni congressman, ang mga mayayaman na renewable energy (RE) company lang ang natutuwa sa kanya. May koneksyon ba siya sa mga RE companies na ito? Nagtatanong lang.

***

Malayo pa ang 2019 senatorial elections pero marami na ang pumoporma na tumakbo sa pagka-senador. Tingin daw kasi ng ilang eksperto, maluwag ang espasyo at mala­ki ang tsansa na makapasok sila sa Magic 12. Isa sa nai­bulong sa atin ay itong si PCOO Secretary Martin Andanar na napapadalas daw ang pag-iikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sino naman kaya ang magiging campaign manager niya? Ang singer/dancer at blogger bang si Mocha Uson?

Nandiyan din si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na ‘binabato’ ngayon ng puna dahil sa pagtapon niya sa dalawang bugok na pulis-Mandaluyong sa Marawi City. Kung nasa Senado na kasi si Bato, hindi na ­pupunahin ng Ombudsman ang pagpapalibre niya kay Sen. Manny Pacquiao sa mga trip abroad.

Halata rin ang paghahanda ni Negros Occidental Rep. Albee Benitez. Nabigo man siyang maging House Speaker sa pagkatalo ng kanyang minamanok noong 2016 presidential elections, may laban naman ito sa 2019 senatorial elections. In fairness, mas kuwalipikadong maging senador si Benitez dahil nahasa ito sa siyam na taong trabaho sa Kamara. Good luck na lang kung sino ang tutuloy sa pagtakbo sa kanila.