Hindi pa rin nagpapiyansa hanggang kahapon para sa arrest warrant na inisyu laban sa kanya ng dalawang korte sa Taguig City ang dating business partner ni Kris Aquino na si Nicardo Falcis y Madarang o mas kilala sa palayaw na Nicko.

Dahil dito, umapela ang Fortun Narvasa & Salazar, ang law firm na may hawak sa kaso ni Aquino sa publiko na kung may nala­laman hinggil sa kinaroroonan ni Falcis ay ipagbigay-alam ito sa sinumang alagad ng batas o makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para sa impormasyon.

Ayon sa law firm, may dalawang arrest warrant na inisyu laban kay Falcis.

Ang una ay inilabas ng Taguig Regional Trial Court Branch 70 para sa paglabag sa Republic Act No. 8484 o Access Devices Re­gulation Act (credit card fraud) at panga­lawa ang arrest warrant na inisyu ng Ta­guig Metropolitan Trial Court Branch 117 para sa kasong estafa.

Ayon kay Atty. Enrique Dela Cruz, ang itinalaga ni Aquino na magsalita para sa kanya ukol sa mga kasong isinampa laban kay Falcis, itinakda kahapon ang pagdinig sa Taguig RTC Branch 70 pero hindi sumipot si Falcis.

“Nag-file ng motion for reinvestigation sa kaparehong kaso si Mr. Nicko Falcis, ang hearing po ay today (Marso 20) pero hindi rin po siya umattend, hindi rin po nagpakita sa korte,” pahayag ni Dela Cruz sa isang video post sa Instagram account ni Aquino.

Ipinaliwanag nito na ang hindi pagsipot ng nasasakdal ang nagpa-invalid sa kahili­ngan nitong reinvestigation.

“Kaya sumuko muna siya at magpiyansa. Madali lang naman po magpiyansa, bailable po pareho,” ani Dela Cruz.

Nilinaw naman ni Aquino na ang nasabing post ay hindi trial by publicity.
“This is respect for the Philippine judicial system & respect for the honorable men & women of the DOJ, the RTCs, Court of Appeals, all the way to the Supreme Court,” ayon kay Kris.

Sa ngayon ay wala pang reaksyon si Falcis sa nasabing pahayag. (Ronaline Avecilla)