FALCONS NEWBIES PERO PALABAN

Mababa ang lipad ng Adamson University Soaring Falcons sa Season 78 ng UAAP senior men’s basketball tournament, tumapos lang ng 3-11 kaya hindi nakausad matapos ang 14-game elimination round.

Ayon sa opisyales ng Adamson, pinapa­lakas pa lang ang Falcons noong nakaraang taon at ngayong 79th season makikilatis ang binuong pundasyon sa team.

Medyo bata pa ang roster ng Adamson pero palaban lalo’t malulupit ang lineup ng sidelines sa pangunguna ni head coach Franz Pumaren at assistants Don Allado at Ren-Ren Ritualo.

Dehado ang Falcons kumpara sa ibang teams sa UAAP pero sa tulong ng bagong coaching staff ay maaaring magkaroon ng winning attitude ang koponan, ayon sa Adamson officials.

May isang senior ang squad at ang iba ay nasa first o second year pa lang kaya malaking bagay ang paggabay ng coaches para lumabas ang talento ng players habang mga bata pa.

Si forward Dawn Ochea ang nag-iisang senior at naka-atang sa kanya ang pagiging team captain para sa Adamson.

Makakasama ni Ochea sina Pape Sarr, Jaydee Tungcab at Jerrick Ahanmisi nakababatang kapatid ni PBA player Maverick.

Mapapalaban agad ang Falcons sa University of the Philippines Fighting Maroons sa Day 1 sa Sept. 4 ng 79th UAAP  sa Araneta Coliseum sa alas-dos ng hapon, 4:00 p.m. ang banggaan ng University of Sto. Tomas at Ateneo.

Maaring panalo agad ang nasa isip ng ibang mga teams kapag nakita nilang Adamson ang makakalaban, pero gaya ng isang mabalasik na Falcon, puwede itong dumagit at ilipad pataas ang bihag.