Hinikayat ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang lahat na ahensiya at tanggapan ng pamahalaan na sundin ang habilin ng Civil Service Commission (CSC) kaugnay ng taunang selebrasyon ng ika-27 ‘National Family Week’ o Pambansang Linggo ng Pamilya.
Sa naunang habilin na inanunsiyo ng CSC, hinikayat nito ang lahat ng ahensiya at tanggapan ng pamahalaan na pakawalan at pauwiin na ang mga empleyado nila ng mga alas-dos nang hapon ng Setyembre 23 “para makasama ang kanilang mga pamilya sa oras ng pagkain.”
“Dapat sundin ng lahat na tanggapan ng pamahalaan ang habiling ito ito dahil ang CSC ay isang ‘constitutional commission’ na nagsisibing ‘HR (human resources) department’ ng buong gobyerno. May taglay na bigat ang mga pahayag nito, at kahit na ang Korte Suprema na pinakamataas ng hukuman sa bansa, ay sinusunod ang mga ito,” madiing sabi ni Salceda.
Layunin ng pahayag ng mambabatas na liwanagin ang CSC announcement No. 53, na may petsang Setyembre 20, 2019 at nilagdaan ni CSC chair Alicia Dela Rosa-Bala, na nagpapaigsi sa oras ng trabaho sa ika-23 ng Setyembre, ang unang araw ng pagdiriwang ng Linggo ng Pamilya.