Fan Meeting ng SB19 naudlot sa COVID-19

Apektado ang first fan meeting ng SB19 sa March 28 sa Newport Performing Arts Theater, Resorts World Manila.

Mababasa ang update sa kanilang Instagram account na @officialsb19

“Unfortunately, due to COVID-19, this event might be rescheduled. Ticketing schedule will be announced soon so stay tuned on our official sites.”

Ang P-Pop group na SB19 ay mabilis ang pagsikat sa ‘Pinas pati na rin sa international music scene.

Ito’y binubuo nina Joshn, Sejun, Stell, Justin, Ken .Sila ay mina-manage ng mga Koreano na sina Charles Kim at Robin Geong (Tatang Robin) .Nag-training sila sa ilalim ng Korean Entertainment company.

Umaabante ngayon ang kanilang ikatlong single ng SB19 na “Alab” .

Samantala, mahigpit na ipinagbabawal sa grupo ang pumasok sa isang relasyon. Isa umano ito sa mga rule na sinang-ayunan nila sa ShowBT Entertainment.

Talbog!

Vilma, ABS-CBN namudmod ng ligtas bag sa mga bakwit ng Taal

Kahit ibinababa na sa Alert Level 2 ang estado ng bulkang Taal, patuloy pa ring nararamdaman ng mga apektadong pamilya ang Kapamilya love sa kampanyang “Tulong-Tulong sa Taal” ng network.

Nakipagsanib-puwersa na ang ABS-CBN sa iba’t ibang grupo at indibidwal para sa mga ginagawang paglilinis na ginanap sa Agoncillo at Tanauan sa Batangas, at patuloy na pamamahagi ng relief packs at Ligtas Bags sa suporta ng mga donor, volunteer, at partner tulad nina Sen. Ralph Recto at Rep. Vilma Santos-Recto.

Noong Pebrero 6, umabot na sa 23,923 na pamilya o mahigit 100,000 katao ang nakatanggap ng relief packs sa mga evacuation center at home-based evacuation center, habang 5,403 ang nakakain ng mainit na sopas mula sa Soup Kitchen, at 663 na indibidwal naman ang binigyan ng psychological first aid.

Dahil sa trauma na posibleng dulot ng pagsabog ng Taal, nagsagawa ang social workers ng Bantay Bata 163 ng therapeutic play activities sa Calumpang East Elementary School sa San Luis, Batangas, upang mawala ang takot at pangamba ng mga bata.

Bumuhos din ang pagmamahal sa mga taga-Batangas kamakailan lang sa pagsasanib-pwersa nina Sen. Ralph Recto at Batangas Rep. Vilma Santos-Recto at ng ABS-CBN para mamahagi ng Ligtas Bags sa mga bakwit ng Taal. Laman ng bag na ibinigay sa mga taga-San Nicolas, Agoncillo, Lemery, Taal, Laurel, at Talisay ang mga mahahalagang kagamitan na kakailanganin kapag tumama ang isang sakuna.

“Pasalamatan po natin ang ABS-CBN. Hindi lang sa paghatid ng saya sa ating lahat gabi-gabi, kung hindi sa pagtulong din sa lahat ng mga Pilipino sa panahon ng sakuna,” ani ng Senador.

Dagdag ni Rep. Santos-Recto, “gusto kong pasalamatan ang ABS-CBN sa mga ipinamamahagi ninyo ngayon sa Batangas, lalo na sa mga naging biktima. Malaking pakinabang at tulong po itong Ligtas Bags. Kabalikat natin ang ABS-CBN. Salamat.”

Para sa karagdagang detalye tungkol sa “Tulong-Tulong sa Taal,” at kung paano pa makatulong sa mga apektadong pamilya, i-follow ang ABS-CBN Foundation (@abscbnfoundationinc) sa Facebook para sa mga detalye o pumunta sa www.abs-cbnfoundation.com.

Show ng 2 giant network pinilay

Sinimulan ang pagbabawal ng live audience sa ‘Eat Bulaga’ dahil sa paglaganap ng coronavirus.

Nagdesisyon na rin ang ABS-CBN na pansamantalang ihinto ang pagpapapasok ng studio audience sa “It’s Showtime,” “ASAP Natin ‘To,” “Magandang Buhay,” “Banana Sundae,” “I Can See Your Voice,” at “iWant ASAP.” Bawal din muna mag-claim ng mga premyo sa istasyon.

Ganoon din ang mga Kapuso shows na kailangan ng live audience ay hindi muna pinahintulutan.

Grabe talaga ang pagpilay ng coronavirus sa industriya ng showbiz. Biglang tumamlay dahil sa pag-iingat sa kalusugan.