Hindi umubra ang panawagan sa pagboykot ng pelikulang ‘Fantastica’ ni Vice Ganda dahil sa pinilahan pa rin ito sa ope­ning ng mga pelikulang official entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF), kahapon.

Sa katunayan, nakipaglabanan sa takilya ang comedy film ni Vice Ganda sa ‘Jack Em Popoy: The Puliscredibles’ na pinagbibidahan naman ni Vic Sotto, Coco Martin at Maine Mendoza.

Sa mga inisyal na report, pinilahan sa mga sinehan sa Metro Manila ang pelikula ni Vice Ganda, Bela Padilla, Richard Gutierrez at Dingdong Dantes.

Lumalabas na hindi tuma­lab ang panawagan para sa pagboykot ng pelikula ng ‘It’s Showtime’ host.

Gamit ang hashtag na #BoycottViceGanda at #BoycottFantastica, nagpatuloy ang panawagan ng ilang netizen hanggang kahapon.

Nagsimula ang panawagan sa pagboykot kay Vice Ganda at sa pelikula nito matapos itong i-guest sa programang Magandang Gabi, Vice! ang aktor na si Aga Muhlach.

Doon ay binanatan ng aktor na sumikat sa pelikulang ‘Bagets’ noong dekada 80, si Senator Antonio Trillanes IV.

“Parang nag-eenjoy ka lang na nag-eenjoy. Tumulong ka na lang…Kahit sinong presidente umupo, sinisiraan. Eto, ginagawa naman ng presidente natin nakaupo ngayon ang ginagawa niya. Maraming hindi masaya sa kanya, pero punto ko ‘yung mga nakapuwesto rin, tumulong na lang kayo sana.” banat ni Muhlach sa programang umere noong Oktubre.

Nasundan pa ang banat kay Vice Ganda nang makasabay niya sa airport ng Ozamiz City noong Oktubre 23 si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.

“Bakit kaya balot na balot si Momshie@vicegandako kasama si MarengImee Marcos sa Ozamis City???,” ayon tweet ng isang Study of RM. “The down fall of the unkavogable star! Oh I forgot Vice and Bongbong history back in 2014.”

Palaging patok sa mga manonood ang pelikula ni Vice Ganda kung saan noong 2017 MFFF ay muling naging top gros­ser ang pelikula nito.