Naloko na! Talagang naloko na.

Heto na ang commu­ters group na humihiling na i-rollback sa P9 ang minimum fare ng jeep.

Ngunit ang nakapagtataka, ay nananatiling nagtetengang kawali ang mga kumpadres natin sa LTFRB!
Hoy! Gising!

Heto’t may rollback na naman ang mga gasolinahan na mismong big players na gaya ng Shell ay nakatakdang magtapyas ng higit P2 sa presyo ng diesel at gayun din sa gasolina.

Simula ‘yan ngayong araw, Miyerkules.

‘Ika nga ni chairman Klem ng ConProMa, “pano na ‘yan?”

Papaano nga naman ‘yan eh, walang humpay ang dausdos ng presyo ng langis at patuloy nga naman din ang pagdausdos ng dahilan o alibi ng mga tsuper/operators sa paghirit ng taas-pamasahe.

Nagpahayag na din ang naturang grupo na kusa na diumano silang magbabawas-pamasahe kung bababa sa P40 ang presyo ng krudo.

Hindi ba’t may mga gasolinahan nang nasa P36 na lamang ang litro ng krudo?

Parang ala ring ipinagkaiba sila sa panukala ng LTFRB na “pag-aaralan” nito kung paano kanselahin ang naaprubahan nang fare increase!

Kung tahasang may intensyon ang mga grupong ito na makisabay sa pagbulusok ng presyo ng langis, aba’y napakadali lamang gawin ito.

Ang kaso ay kapit-tuko na ang mga transport group sa natamong igkas sa kita kahit na umaaray ang mamamayang commuter.

Siguro naman may natitira pa kayong konsensya lalo na ang bus operators na mas mataas ang tinatamasang dagdag-pamasahe.

To God be the Glory.