Nabigo umano ang Department of Agriculture (DA) na maipatayo ang halos walong-daang farm-to-market roads (FMRs) na may alokasyong pondo na aabot ng P2.792 bilyon.
Ayon sa Commission on Audit (COA), dapat ay natapos na ang mga naturang proyekto noong taong 2016.
Sa annual audit report ng ahensya, aabot sa P45.969 bilyon ang inilaang pondo para sa DA kaugnay sa implementasyon nito ng Farm to Market Roads Development Program mula 2010 hanggang 2016.
Kabilang sa programa ang kontruksyon ng mga bagong barangay road, pagbubukas ng mga kalsada sa mga bagong agricultural at marginal lands at ang pagkukumpuni sa mga sirang farm-to-market roads sa layong mapabilis pa ang pagluluwas ng mga produkto.
Tinukoy ng audit body na nasa 11,960 na farm-to-market roads ang ikinasang maitayo sa ilalim ng programa, subalit noong Disyembre 31 ng nakaraang taon ay natukoy ng COA na nasa 7,004 pa lamang ang nakumpleto habang 547 pa ang patuloy na itinatayo.
Ibig sabihin ay nasa halos 10% umano ng mga proyekto ang hindi nagawa ng DA na karamihan at nasa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), Region IV-A o CALABARZON, Region III o Central Luzon, Region VII o Central Visayas at Region V o Bicol Region.
Binanggit pa ng COA sa ulat nito na sa kabuuang bilang ng mga nakumpletong farm-to-market roads, mayroong 547 proyekto o may kabuuang 854.11 kilometro ng kalsada ang palpak ang pagkakagawa.