‘Di ko na ma-take ang galawan ng kapitbahay ko kaya gusto ko na rin siyang i-blind item dito.
Mangyari ay ‘di man lang niya mabayaran ang utang niya sa akin. Parang baligtad pa ang nangyayari dahil imbes na siya ang ‘di makatulog sa sanrekwa niyang utang ay ako pa ang napupuyat at naghihintay kung kelan niya mababayaran.
Parang nawawalan na ako ng pag-asa na mabayaran dahil nabalitaan ko sa iba pa naming kapitbahay na pati pala sila ay inutangan ng magaling kong kapitbahay.
Ang masakit, kung kumilos siya ay mistulang mayaman. Laging nakaayos at de-kolor ang buhok, bagong pedicure, manicure. Nakasunod sa fashion trend. Fashionistang-fashionista ang aura. Sundo’t hatid ng Grab.
Wala siyang pakialam sa sasabihin ng iba, lalo na ng pinagkakautangan niya – ang importante sa kanya ay feeling maganda siya.
Kakabog-kabog tuloy ang dibdib ko ngayon dahil baka sa dami ng atraso niya’y tuluyan na siyang mabaon sa utang at ‘di na rin ako mabayaran.
Ang kapitbahay ko ay tawagin na lang nating May.
Taurus Girl ng Marikina