Pista ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Hesus!
Ipinagdiriwang natin ngayon ang Kapistahan ng ‘Corpus Christi’ o Kabanal-banalang Katawan at Dugo ni Hesus. Sa paggunita ng nasabing Solemnidad, sinasariwa natin ang pananampalataya na ang tinapay at alak na pinagsasaluhan natin sa Eukaristiya ay mismong Katawan at Dugo ni Kristo at hindi simbolo lamang!
Giit ng Simbahan, mismong si Hesus ang tinatanggap natin sa Misa. Sa higit dalawang-libong taon patuloy nating kapiling ang Panginoon sa pagdiriwang ng Eukaristiya. Hindi Niya tayo lubos na iniwan. Ito ang panahon upang pagnilayan kung nagiging katulad natin Siya sa malimit nating pagtanggap ng Komunyon.
Ani Bishop Teodoro C. Bacani Jr., ang pagdiriwang ng Pista ng Katawan ni Kristo ay paanyaya sa tanan upang buksan ang puso sa Diyos na naghahandog ng sarili bilang pagkain at inumin dulot ng Kanyang kagandahang loob at malakit sa atin. Niloob ng Diyos manahan sa ating kaluluwa dahil sa Kanyang pag-ibig.
Diin ni Bishop Bacani, “The Eucharist is about the generosity of Christ and of God. Christ wants to really be Emmanuel, God-with-us. He wants to be more than that even; he wants to be God-in-us. He wants us to share his own life, and for this he wants to give himself us as food and drink.”
Alam ng Panginoon ang pangangailangan natin upang mabuhay ngayong pandemya. Alam ng Diyos ang gutom ng mga dukha. Gayunman, mas batid ng Poon ang ating kagipitan upang gumaling at matirang buhay. Alam Niya na hangad natin Siya kaya’t inihahandog Niya ang mismo Niyang sarili sa Eukaristiya.
Ngayong panahon ng lockdown at sarado ang mga Simbahan, higit kailanman, nadama natin ang ating ‘gutom sa Diyos’ at pagnanasang muling matanggap Siya sa Misa. Nabatid natin na hindi tayo mabubuhay at tatagal nang wala ang pagkaing nagbibigay buhay. Sadyang napakarami nating ginawang ’Spiritual Communion’ nitong mga nakaraang buwan dahil sa pangungulila!
Nais ni Hesus pumasok sa ating puso at puspusin ang ating kaluluwa ng Kanyang presensiya, higit sa ating kagustuhang muling matanggap Siya. Narito ang natatanging paraan upang makaping Siyang muli sa pamamagitan ng Espirituwal na Kumunyon:
“Hinihiling ko, Panginoon, na ikaw ay matanggap ko nang buong kalinisian, kababang-loob at pananalig tulad ng pagtanggap sa iyo ng iyong kabanal-banalang Ina, nang may diwa at kataim-timang katulad ng mga Santo.”
Sa paraang ito, ipinapahayag natin sa buong mundo ang ating nagkakaisang pananampalataya kay HesuKristo sa Banal na Sakramento na patuloy na kapiling natin sa mga hirap na dinaranas. Tanggapin natin ngayong araw si Hesus nang may malalim at panibagong pananalig at hayaan Siyang gumalaw sa ating piling!