Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na nananatiling normal ang kondisyon ng Mt. Apo sa Davao City sa kabila ng magkakasunod na lindol sa Mindanao.

Ayon kay Chris Vidad, research assistant ng Phivolcs-Davao, walang dapat ipangamba ang publiko dahil hindi konektado sa bulkan ang fault line na gumalaw sa North Cotabato.

Inihayag ito ng Phivolcs upang mapawi ang pangamba ng mga residente sa naturang lugar matapos na kuma­lat sa social media ang posibleng pag-alburuto diumano ng Mt. Apo kasunod ng lindol.

Subalit ayon kay Vidad, kahit pa nasa pagitan lang ng Davao del Sur at Kidapawan City ang bulkan ay wala silang mararamdaman na aktibidad mula rito na posibleng maghudyat ng pagsabog.

Siniguro naman ng Phivolcs na patuloy ang kanilang mahigpit na monitoring sa volcanic activity ng Mt. Apo dahil may hiwalay na active fault line na malapit dito. (Dolly Cabreza)