Swak sa kulungan ang isang Facebook (FB) hacker at dalawa nitong kasabwat sa ikinasang entrapment operation ng Anti-Cybercrime Unit (ACU) ng Philippine National Police (PNP) matapos na humingi ng saklolo ang isang dalaga na umano ay na-hack ang Facebook at nagbantang ikakalat ang video kung hindi magbibigay ng malaking halaga sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.
Ayon sa biktima na itinago sa pangalang Cyrille, 19-anyos taga-Quezon City, Hulyo 21 umano ng hapon nang makatanggap siya ng message mula sa isa sa kanyang friendslist sa Facebook Messenger at nagtatanong kung siya ba ang nasa video scandal na napapanuod ng kanyang mga kaibigan.
Dahil interesadong makita ang video scandal ay mabilis niyang tinawagan ang ibinigay na numero at laking gulat na lamang niya nang sagutin siya nito at boses ng isang lalaki at sinasabing may mga kopya umano siya ng mga private pictures at videos ng biktima at kailangang magpadala ni Cyrille ng P10,000.
Nagdesisyon ang biktima na humingi ng saklolo sa ACU upang mahuli ang hacker at sa pamamagitan ng money transfer ay natunton ng mga awtoridad sa Bgy. 176, Camarin, Caloocan City ang isang Freddie Valenzuela na kumuha ng ipinadalang pera ng biktima, ngunit ayon sa kanya ay inutusan lamang umano siya ng kanyang pamangkin na nakilalang si Dredd Clara, 20-anyos na isang Information Technology (IT) student.
Dumating din sa lugar si Clara at inamin nitong siya nga ang nang-hack ng account ng biktima, itinuro din nito ang isa pang kaibigang si Reniel Pedimonte na umano ay kasabwat niya sa pagsasagawa ng transaksiyon sa biktima dahilan upang arestuhin ang mga ito.