Hinamon kahapon ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga Katoliko na gawing sakripisyo ngayong panahon ng Kuwaresma ang pag-logout sa kanilang mga social media account tulad ng Facebook. Instagram at Twitter.

Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, sa halip na magbabad sa social media ay gugulin ang oras sa pamamagitan ng pananalangin at pagninilay.

“Puwede rin sa Facebook o social media kaya nga maganda nga instead of a pagbabantay sa Facebook o sa TV magdasal muna tayo o magbasa ng Bible o makipag-usap sa isang may sakit. So yang mga bagay ba na what you denied to yourself you give to the others. ‘Yan ‘yung mahalaga i-connect natin ‘yan,” ayon kay Bishop Pabillo sa prog­ramang Pastoral Visit sa Radio Veritas.

Binigyan-diin ni Pabillo na ang pagpipigil sa mga bagay na labis nating kinagigiliwan tulad ng social media ay maaaring isang paraan ng pagsasakripisyo at pagdidisiplina sa sarili.