FBI nakuryente sa Quiboloy church raid

Nakuryente o nasubuan ng maling impormasyon ang Federal Bureau of Investigation (FBI) sa gina­wang raid sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KJC) sa Los Angeles at Hawaii kamakailan.

Ito ang paninindigan ng mga mis­yonaryong na-trauma sa ginawang pagsalakay ng FBI sa KJC dahil lamang sa natanggap nilang maling impormasyon na nagsagawa ng human trafficking at illegal fund­raising ang simbahan ni Pastor Apollo C. Quiboloy.

Nasubuan umano ng mga ma­ling impormasyon ang FBI na nagsasabing armado ang mga miyembro ng KJC at may mga taong minamaltrato sa loob ng mga compound nito.

Kuwento ni Annabelle Juarana, 45-anyos, may 26 taon nang missionary na kagigising lang niya nang maganap ang pagsalakay. Sinira umano ng raiding team ang kanilang pintuan at tinutukan sila ng mga baril na may red laser light.

Salaysay naman ng 22-anyos na misyonaryo na ipinanganak sa Lancaster, California, pinapila sila sa labas at pinosasan habang may mga helicopter na umiikot sa compound. Parang eksena sa pelikula ang ginawang raid gayung mga ordinar­yong misyonaryo lang umano sila at walang mga baril.

Inipon umano sila sa labas ng worship center, kasama ang mga matatanda, habang isinasailalim sa interogasyon at tinanong pa sila kung puwersahan silang nagsasagawa ng fundraising at kung kinumpiska ng KJC ang kanilang mga pasaporte.

“They told me they were informed that we had heavily armed guards here. We told them they were misinformed about us here. They were very apologetic and said they were just doing their job,” ani Jennifer Callao.

Kaparehong trauma ang sinapit ng kongregasyon sa Waipahu, Hawaii na kasabay na sinalakay ng may 50 FBI agent.

Ayon kay Chelcey Guerrero, kahit karga niya ang 1-taong gulang na anak na si Moanna ay tinutukan pa rin sila ng baril ng dala­wang FBI agent.

Habang ang kanyang 80-anyos na ama na si Rolando Guerrero na hindi na nakakarinig ay tinutukan din nang hindi nito maintindihan na kailangang itaas ang kamay ayon sa utos ng raiding team.

Ang pagsalakay ay isinagawa ng FBI sa Van Nuys gayundin sa mga compound ng KJC sa San Francisco, Delano, Virginia, Houston, Missouri, at New York. Ang magkakasabay na raid ay isinagawa base umano sa isinumiteng affidavit sa United States District Court ng ilang dating miyembro ng KJC. Binisita rin ng FBI ang mga pioneer member ng KJC na nagsisilbi bilang part-time missio­nary at tinanong tungkol sa mga alegasyong immigration fraud.

Itinanggi na ng liderato ni Pastor Apollo C. Quiboloy, executive pastor ng Kingdom of Jesus Christ, ang mga akusasyon at sinabing nag-ugat ito sa “grand conspiracy of lies concocted by men and women who were once part of KJC but struck an alliances with forces jealous of the meteoric rise of Pastor ACQ and the KJC.”

“The truth will come out and we will vigorously defend the KJC administrators unsupported char­ges. We look forward to our day in court,” ayon naman sa legal counsel ng KJC na si Atty. Israelito Torreon.
Nakikipagtulungan umano ang KJC sa mga awtoridad sa Estados Unidos para malinawan ang asunto.