FDA: Fabunan drug vs COVID gawa sa anesthesia, steroid

Anti-inflammatory at hindi anti-viral ang ipinagmamalaking gamot sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ng Fabunan Clinic.

Ito ang inihayag ni Food and Drug Administration (FDA) chief Undersecretary Eric Domingo, taliwas sa paniwala ng publiko na nakaimbento ang nabanggit na clinic ng gamot o pangontra sa COVID-19.

Sinabi ni Domingo na pinag-aralan nila ang mga component ng Fabunan anti-viral injection at nakita nilang gawa ito sa steroid at anesthesia na anti-inflammatory at hindi anti-viral.

“Ang ginagawa po yata nila ay pinaghahalo nila itong steroid at anesthesia at `yan `yong tinatatawag nilang anti-viral injection. Separately kasi, nung tiningnan namin `yong ingridients niya, eh nakita namin na anti-inflammatory siya, at saka anesthesia, walang dahilan para sabihing anti-viral siya,” ani Domingo.

Kasabay nito, nilinaw ng FDA chief na ang isinumiteng application ng Fabunan Clinic ay para sa `license to operate as an importer of medicine’ subalit hindi nagsumite ng mga requirement kaya hindi naaprubahan.

Wala aniyang application ang nasabing clinic para sa registration ng kanilang produkto na nagsasabing gamot sa COVID ang naimbentong anti-viral injection.

“Wala kaming inaaprubahang produkto dahil wala naman pong application for product registration, at hindi kami nagki-clinical trial dahil bawal `yan sa FDA. Nag-a-approve lang kami ng produkto kapag pasado na sa clinical trial,” dagdag pa ni Domingo. (Aileen Taliping)