RODEL FERNANDO: Maraminga ang excited sa MMFF 2018 at ngayon pa lang ang magkakapamilya ay naghahanda na sa taunang film festival para manood. Sigurado puputaktihin ang mga pelikulang pambata o pambuong pamilya. Para sa akin, narito ang aking fearless forecast. Puwedeng may magkatotoo rito.
Base sa aking obserbasyon ay narito ang pagkakasunod-sunod ng magiging resulta sa takilya ng mga MMFF entries:
1. Fantastica, 2. Jack Em Popoy, 3. Aurora or The Girl in the Orange Dress, 4. Mary, Marry Me or One Great Love, 5. Otlum and Rainbow’s Sunset.
Siyempre, pangarap pa rin nating kumita lahat ng entries this year at walang pelikula na malugi.
Sa awards night naman, tiyak na hahakot ng mga parangal ang Rainbow’s Sunset na idinerehe ni Direk Joel Lamangan. Malakas din ang laban nina
Gloria Romero at Eddie Garcia para sa Best Actress at Best Actor
ROMMEL PLACENTE: Parehas, tayo friend Rodel. Sa tingin ko ang movie ni Vice Ganda ang magiging top grosser. Basta movie kasi ni Vice ay laging patok sa takilya, wala pa siyang flop lalo na ngayong araw ng Kapaskuhan na maraming pera ang mga tao.
Malaking tulong din na kasama sa pelikula sina Dingdong Dantes at Richard Gutierrez. Maraming fan din ang mga ito, ‘di ba? Tuwing may entry ng pelikula sa taunang MMFF si Vice ay laging siya ang nangunguna sa takilya kaya sure na sure ako na ang pelikula pa rin niya this year ang magta-top grosser.
Ang pelikula nina Bossing, Maine at Coco para sa akin ang papangalawa sa takilya. Mga sikat din naman kasi ang tatlong bida rito, e! Marami rin silang mga tagahanga especially Coco.
At base sa trailer ng Jack Em Popoy, nakakatawa ito, isa itong entertaining na pelikula kaya gugustuhin itong panoorin ng mga tao lalo na ng mga bata.
Pangatlo para sa akin ang Otlum ni Direk Joven Tan. Nagustuhan ko rin ang trailer nito,maganda, kaya titipak din ito sa takilya. Pang-apat para sa akin ang One Great Love ni Kim Chiu. Siguradong hindi naman siya pababayaan ng libo- libo niyang mga tagahanga.
Pang-lima ang Mary, Marry Me, ang Rainbow’s Sunset, The Girl In The Orange Dress at panghuli ang Aurora ni Anne.
Ayon kasi sa mga nakapanood na nito sa advance screening ay pangit daw ito. Kaya baka ipagsabi nila na huwag na itong pag-aksayahang panoorin.
RONALINE AVECILLA: Walang duda, mukhang pelikula nga ni Vice Ganda ang magiging number one. Secured naman na ang posisyon niya, pero idinagdag niya pa sina Dingdong at Richard kaya posibleng madoble ang kita ng kanilang pelikula.
Para naman sa aking forecast, hindi feel ng mga madla ang aktres na gaganap sa The Girl In The Orange Dress na si Jessy Mendiola. Although malakas ang hatak ni Jericho Rosales dahil may napatunayan naman na ito sa pag-arte.
Komento nga ng ilang netizen, ‘di raw nila bet ang co-star ng idolo nila kaya waley silang balak panoorin. Mukhang mas mauungusan pa ng Rainbow’s Sunset ang pelikula dahil marami ang naantig sa trailer nito.
MILDRED BACUD: Magsisimula na sa Kapaskuhan ang Metro Manila Film Festival. Makulay na ipapakita ang taunang film festival na ito sa tradisyon ng Parade of Stars na magaganap ngayon. Iba’t ibang float na kinatawan ng bawat pelikula ang makikita ng publiko.
Ang Parañaque City ang magiging host at venue ng parada this year kaya nagbigay na ng ruta at mga isasarang daan ang Metro Manila Development Authority (MMDA) para sa mga motorista.
Nangunguna sa unang float na parada ang Fantastica ng Star Cinema bilang dinaan sa bunutan. Sinundan ng OTLUM, Aurora, Rainbow’s Sunset, Mary, Marry Me, The Girl In The Orange Dress, Jack Em Popoy at One Great Love.
Tulad niyo, mga friend, feeling ko mangunguna pa rin ang Fantastica ni Vice Ganda at pangalawa ang Jak Em Popoy, The Puliscredibles nina Coco Martin, Maine Mendoza at Vic Sotto. Sa akin pangatlo ang Mary, Marry Me na susundan ng Aurora, Rainbow Sunset, One Great Love, Otlum at The Girl In The Orange Dress.