Federal forum nilangaw

Mistulang hindi mabenta sa mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Federal system of government matapos langawin ang forum na inorganisa ng Kamara kahapon.

Sa 293 miyembro ng Kamara, 25 congressmen lang ang dumalo sa forum habang hindi naman ­lahat ng mga chief of staff ng mga mambabatas ang ­nakadalo.

Subalit sa press conference kahapon, sinabi ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na mara­ming mambabatas ang abala sa iba’t ibang committee kaya hindi nakadalo sa forum.

“At saka siyempre ‘yung iba naman fully briefed na kung ano ‘yung federal form of government. So, hindi indication ‘yan na walang interest. Kahit ako nga wala ako doon eh,” ani Alvarez.

Kumpiyansa rin si Alvarez na sa susunod na linggo ay ilalabas na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan ng Constitutional Commission (ConCom) na bubuo ng bagong Saligang Batas.

Sinabi ni Alvarez na mayroon limang buwan ang ConCom para pag-aralan ang mga probisyon sa ­Saligang Batas ang ieendorso ng mga ito sa Kongreso para amyendahan.