Federal system

Mukhang hindi ubra ang Federal System of government para maputol na ang pamamayagpag ng mga political clans sa mundo ng pulitika bagkus ay lalawak pa ang kanilang teritoryo.

Kung sa kasalukuyang­ sistema ay hanggang sa kanilang probinsya lang makapangyarihan ang isang political clans.

Sa federal system, sasakupin na nila ang ibang probinsya na nasa loob ng isang rehiyon na nagsama-sama sa isang Federal State.

Lalawak na ang kanilang kapangyarihan, hindi lang sa pulitika kundi sa negosyo­ sa lahat ng probinsya sa isang Federal State kaya mara­ming probinsya ang nagdadalawan­g isip sa sistemang ito.

Papaano ang hatian ng resources kung sakali? Papa­yag ba ang isang mayamang probinsya na ipama­hagi ang kanyang ­yaman sa isang probinsya kasapi sa kanilang State na mahirap lang at walang naitutulong sa larangan ng buwis at likas na yaman?

Sakaling walang magdadamot, ang hatian ba ng resources sa isang state ay pantay-pantay o kaya kung sino ang malaki ang naia­ambag sa kaban ng estado ang makakakuha ng mala­king parte habang ang mga probinsya na walang pinagkukunan ay barya lang?

O ang makakakuha ba ng malaking pie sa resources ng isang state ay depende kung gaano kalaki ang kanilang probinsya o gaano karami ang kanilang populasyon?

Marami kasing probinsya na malalaki pero kokonti­ ang mga tao, maraming probinsya na maliit pero maraming tao.

Pagdating naman sa elek­syon kung sino ang governor sa isang state, magkakaroon din ‘yan ng problema dahil tiyak na mas dumami ang away para lang sa kapangyarihan dahil ang mga matitikas na pulitiko sa bawat probinsya ang maglalaban-laban.

Sa ilalim din ng Federal­ State, kailangang malinawan­ kung bawat probinsya ba ay may sariling gobernador­ at magkakaroon ng hiwalay­ na gobernador para sa Federal­ States tulad ng sistema sa ­Autonomous ­Region in ­Muslim Mindanao­ (ARMM) na may provincial­ governor at mayroong ARMM governor­ na kung tawagin nila ay Regional Governor tulad ng posisyon ngayon ni ARMM Regional Governor Mujiv Hataman?

***

Hindi ko masisisi ang mga sumusuporta sa pag-abolish nang tuluyan sa Sangguniang Kabataan (SK) dahil hindi naman talaga ramdam ang mga SK officials sa bawat barangay.

Itinatag ang SK noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos kung saan ang kanyang anak na si Imee Marcos ang chairperson sa buong bansa. Hindi ko naabutan ‘yun kaya wala akong ideya kung paano­ sila nagtatrabaho.

Wala akong naririnig­ ukol sa trabaho ng mga SK official sa panahon ko ­maliban lamang kung mayroon silang pasayaw para makalikom ng pondo at gina­gawang bonding time nila sa mga katulad nilang kabataan sa kanilang barangay.

Pero bukod diyan ay hindi­ sila nararamdaman lalo na sa kampanya laban sa iligal na droga sa mga barangay gayung sila ang dapat maunang kumumbinsi sa kanilang mga kapwa ­kabataan na iwasan ang bawal na gamot.

Minsan akong nakasaks­i ng isang SK election kung saan binuhusan ng tatay ng isang kandidato ng SK chairman ang kandidatura ng kanyang anak para lang manalo. Diyan pa lang nagbibilihan na ng boto. (dpa_btagui­nod@yahoo.com)