Federalism susubukan na sa Kamara

philipine-federal-state

Bilang preparasyon sa bagong sistema ng gobyerno na isinusulong­ ng Duterte administration, susubukan na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang federa­lism sa pamamagitan ng pagtatalaga ng deputy speakers mula sa bubuuing 12 estado sa bansa.

Sa press briefing kahapon sa Kamara, kinumpirma ni House Majority leader Rodolfo Fariñas ang plano ng liderato ng Kamara na magtalaga ng 12 Deputy Speakers na kakatawan sa 12 Federal States na bubuuin sa Fe­deral Form of government kapag naamyendahan ang Saligang Batas sa pamamagitan ng Constituent Assembly (Con-Ass).

“Tinitingnan namin, perhaps we could try if it is viable, dito muna sa House to divide ourselves to 12, parang states na and then, politically makita namin ang grouping, and for more efficient harnessing and coor­dination of members, ganu’n na nga ang tinitingnan ­namin,” ani Fariñas.

Dahil dito, mula sa kasalukuyang 6 Deputy speakers, gagawin na ito 12 kung saan manggagaling ang mga ito sa bawat States na itatatag tulad ng Northern Luzon States, Central Luzon State, Metro Manila, Southern Luzon, Bicol State, tatlo sa Visayas Region na kinabibilangan ng Western, Eastern at Central Visayas habang tatlo rin sa Mindanao Region na binubuo ng Eastern o Western Mindanao State, Northern o Southern Mindanao State at Bangsa­moro State.

Pinag-uusapan pa kung anong estado mapapabilangan ang Mindoro,­ Marinduque, Romblon at Palawan subalit posibleng magkaroon ito ng sariling estado para mabuo ang 12 estado.

“Trial balloon na rin how we can work because you even go to the hard division or boundaries of these areas mabuti ‘yung political muna, titingnan kung politically viable,” ayon pa kay Fariñas.

Sa ngayon ay meron nang limang deputy speakers na hinirang na kinabibi­langan nina Fredenil Castro ng Capiz, Miro Quim­bo ng Marikina, Mercedes Alvarez ng Negros Occidental, Raneo Abu ng Batangas at Eric Singson ng Ilocos Sur.