Bulung-bulungan doon sa MMFF 2018 appreciation dinner at launch ng MMFF 2019 ang tungkol sa isang kilalang female celebrity (KFC) na pumunta ng abroad para magkaroon ng baby.

May asawa si KFC na isa ring kilalang personalidad, pero wala silang anak. Lagpas 50-anyos na si KFC at hindi na niya kering magbuntis.

Ang chika ay napa-preserve daw noon ni KFC ang kanyang egg cells at nagawa raw itong ipa-fertilize sa sperm ng kanyang mister, so humanap lang sila abroad ng surrogate mother na magdadala ng kanilang supling.

Balitang tinulungan sila ng isang kaibigang nagkaroon na rin ng anak from a foreigner surrogate mother.

Maugong ang chika na naayos na ang lahat at naghihintay na ang baby o babies ni KFC.

Kalilipad lang papuntang ibang bansa si KFC, so abangan natin pagbalik nito kung meron nga itong dalang anak, na nabuo sa tulong ng siyensiya.

Sa wakas ay matutupad na ang pangarap ni KFC na maging isang ina. Tiyak na maligaya silang mag-asawa dahil magiging magulang na sila.

Sa pagdating ng inaabangang anak ay hindi ito puwedeng ilihim at siguradong pag-uusapan ito.

Dennis walang premyo sa MMFF

Nu’ng Biyernes lang nakuha ng mga MMFF 2018 winner ang kanilang cash prize na kasama sa napanalunan nilang award nu’ng Gabi ng Parangal.

Present doon sa appreciation dinner sa Sampaguita Gardens ang Best Actress winner na si Tita Gloria Romero (“Rainbow’s Sunset”).

Waley ang Best Actor na si Dennis Trillo (“One Great Love”), na hindi rin pala bibigyan ng premyong P100K dahil hindi ito nakadalo nu’ng awards night last December.

Nandu’n din ang Best Supporting Actor na si Tony Mabesa. Hindi nakarating ang Best Supporting Actress na si Aiko Melendez, pero nakuha ng representative nito ang premyo dahil dumalo si Aiko nu’ng awards night. Present din ang Jury Prize winner na sina Eddie Garcia at Max Collins.

Lahat sila ay pawang nagwagi para sa pelikulang “Rainbow’s Sunset,” na tinanghal na Best Picture sa MMFF last year kaya gusto ulit sumali ng producer nito na si ­Harlene Bautista.

Patricia 87 ang kalaban sa Mrs. Universe 2019

Palaban si Patricia ­Javier sa Mrs. Universe 2019 na gaganapin sa South Africa.

Kahit sa August pa ang pageant ay kinakarir na ni Patricia ang training niya sa ilalim ng Kagandahang Flores (KF) na nag-train din sa mga kilalang beauty queen kabilang sina Lara Quigaman, Bea Rose Santiago at Rachel Peters.

88 countries ang maglalaban-laban sa Mrs. Universe 2019. Nasa ika-13 taon na pala ito this year at wala pang Pinay na nanalo. If ever ay si Patricia ang una.

In fairness ay suportado si Patricia ng kanyang chiropractor husband na si Dr. Robert Walcher, na everyday ay pinu-push siyang mag-gym at kumain nang tama.

Dahil sa mister niyang chiro ay nasanay na si Patricia sa healthy lifestyle at gusto niyang ipakalat ang awareness for wellness.

Plano niyang i-promote ang ‘health is wealth’ paglaban niya sa South Africa at ang advocacy niya na paglaban sa ­domestic abuse.

Sa tanong kung may ipapauso siyang istilo ng pagrampa gaya ng Lava Walk ni Catriona Gray, ang sey ni Patricia ay malalaman pa lang niya ito sa pagti-train niya kay Rodgil Flores.

Ang suggestion sa kanya ay ipauso niya ang ‘Chiro Walk’ na naka-straight ang likod habang lumalakad sa rampa, bilang tribute na rin sa kanyang hubby na si Doc Rob at natuwa siya sa idea.

Sumali si Patricia sa Bb. Pilipinas nu’ng 1998, na hindi siya pinalad na manalo pero naging daan ‘yon para makapasok siya sa showbiz.

Dalawang boys ang anak ni Patricia sa mabait niyang asawa na si Doc Rob, na kare-release lang ng book na Doc Rob’s Guide to Better Health & Wellness.