ATREBIDA. Tsismosa. Mapanira. Pintasera. At maraming-marami pang ibang negatibong paglala­rawan. Ang lahat ng mga terminong nabanggit ay ipinakakain ngayon ng mga tagasuporta ng isang kilalang loveteam sa isang babaeng sumisigaw ng “Action!” at “Cut!”

Gusto raw kasing mang-agaw ng titulo sa pagiging taklesa ng female persona­lity, may ilusyon din kuno ang babae na mag-artista dati, kaya lang ay hindi siya pinalad na ngitian ng kapalaran.

Pero mas magandang tutukan ang mga atake sa pagtatrabaho ng female director na ito. Sa isang ginanap na shooting sa isang bayan na malapit lang sa Maynila ay nasaksihan ng aming mga impormante ang hindi kagandahang tabas ng dila ng direktor.

Sabi ng aming source, “Ex-deal nila ang isang sikat na food chain, du’n nila kinunan ang eksenang palabas ang mga bumibida sa movie. Biglang sinugod ng direktor ang isang cameraman, nagmura siya nang nagmura, bakit daw siya inuunahan ng cameraman lang niya?

“Nakunan kasi ang logo ng food chain, alam naman ng cameraman na ex-deal nila ‘yun, kaya isinama niya sa frame. Nakakaloka pala ang direktor na ‘yun kung makapagmura!

“Bigla niyang sinugod ang cameraman, ang sabi niya, ‘Sinabihan ba kitang isama mo ang logo ng put*&%#$nang food chain na ‘yan? Ako ang direktor, ako ang dapat masunod kung kailan ko sila bibigyan ng exposure!’

“Hindi pa du’n natatapos ang lahat, pinagmumura pa niya ang mga crew, dalawa-singko lang ang pagsigaw-sigaw niya ng PI! Nu’n namin napatunayan na balahura pala talaga ang bunganga ng direktor na ‘yun!” namumulagat ang mga matang reaksiyon ng aming impormante.

Ngayon ay pinalulunok ng apdo at pinangunguya ng ampalaya ng mga tagasuporta ng isang kilalang loveteam ang direktora. Ayaw raw niyang idirek ang tambalan dahil sa mga kuwentong nalaman niya mula sa dalawa niyang kasamahang direktor.

Sabi ng mga tagahanga ng loveteam, tsismosa na raw ay nangdamay pa ng kanyang mga kahanay ang direktorang palamura, ganern.

Baron, magpapa­katino na sa rehab

SA isang dosenang pahayag ni Baron Geisler ay labing-apat ang hindi totoo. May utang pa siyang dalawa sa puhunan. Sa pagsasabi niyang magbabago na talaga siya ay parang wala nang gustong maniwala, umuulit pa rin naman kasi siya, para siyang hindi mabubuhay kapag hindi nasasayaran ng agua de pataranta ang kanyang lalamunan.

Pero sa pagkakataong ito ay mukhang gusto nang seryosohin ni Baron ang kanyang pangako ng pagbabago. Magpapakatino na raw siya sa rehabilitation center, susundin na raw niya ang mga proseso para siya gumaling, gustng-gusto na raw kasi niyang magbalik sa pag-arte.

Sana nga ay hindi sa pag-arte lang ang kanyang pangako, mula sana ‘yun sa kanyang puso, para kahit sa sandaling ito lang ay paniwalaan naman ng mga kababayan natin ang sigaw ng the boy who cried wolf!

Ang inis kay Baron ng mga kababayan natin ay may kakambal na panghihinayang. Magaling kasi siyang aktor. Kapag walang halo ng ispiritu ng alak ang kanyang kaluluwa ay matino siyang kausap at parang maawaing kordero.

Nagbabago lang ang kanyang anyo kapag dinadaluyan na ng alak ang kanyang lalamunan, para pa naman siyang imbudo kung makapagwalwal, samantalang hindi niya naman ka­yang pataubin si San Miguel.

Harinawang ito na nga ang hinog na panahon para maisip ni Baron Geisler na napakarami niyang pinalalampas na biyaya sa kanyang buhay. Bigyan na rin sana niya ng kapayapaan ng kalooban ang kanyang pamilya na anuman ang kanyang gawin ay nand’yan pa rin at nakasuporta.

Sana’y maisip din ni Baron na ang pang-unawa ay may hangganan, ang pasensiya ay napapatid din, seryoso na sana siya talaga ngayon sa pangako niyang pagbabago.