NAKAKAALIW ang isang pamosong female news anchor na tutok na tutok sa kontrobersiya-iskandalong kinabibilangan ng magkakapatid na artista.

For a change daw naman kasi.

Araw-araw nga naman ay puro patayan, korupsiyon, raid, nakawan, pag-away-away ng mga pulitiko at kung anu-ano pang krimen ang kanyang ibinabalita.

Kuwento ng aming source, “E, ilang dekada na bang puro krimen ang ibinabalita niya sa ere? Wala nang bago, puro patayan na lang, rape, nakawan, holdapan, kahit naman tayo, e, mauumay na rin kapag ‘yun ang araw-araw nating kaulayaw!

“So, nu’ng pumutok ang issue tungkol sa magkakapatid na bumida sa burol ng mismong tatay nila, e, interesado ang female news anchor! Para maiba nga naman ang ikot ng mundo niya!

“Nakikibalita talaga siya, nagtatanong siya sa mga entertainment writers kung sino ang nagpasimula ng gulo! Nakakaloka, ‘di ba?

“Kung gaano siya kaseryoso sa pagtatawid ng mga balita, kung gaano siya ka-prim and proper sa himpapawid, ayun siya at talagang interesado sa tsismis!

“Bakit nga ba naman? Porke ba news anchor siya, e, wala na siyang karapatang makitsismis? Hindi na ba siya tao, dahil palagi siyang nakatutok sa mga balitang pambuong bayan ang tema?” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

“Ang galing-galing pa naman niyang magbalita, hindi siya bumabakel, malinaw siyang magsalita at maaasahan siya sa paggawa ng mga dokumentaryo.

Tanong pa ng pamosong female news anchor sa kanyang kausap sa phone tungkol sa kontrobersiya, “So, all along pala, e, totoong karelasyon ng girl ‘yung milyonaryong businessman? Nakikita kasi sila ng mga friends ko habang nagdi-dinner sa five-star hotel!

“Ang sweet-sweet daw nila, pero hindi ba, may ka-live-in din na millionaire ‘yung girl? Hiwalay na ba sila? Naku, two-timer pala ang girl na ‘yun?” pang-uusisa pa ng kilalang female news anchor sa kachika niya sa phone.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Gretchen, Marjorie pinaglalaruan sa comedy bar

DAHIL sa lantarang pagpapatutsadahan ng magkapatid na Gretchen at Marjorie Barretto sa social media tungkol sa mga makapangyarihang lalaking karelasyon nila ay binigyan nila ng materyal ang mga becki sa comedy bar.

Ginagawa silang malaking joke ngayon ng mga becki, nakapagbalangkas agad sila ng mga litanya, pinaglalaruan ngayon sina Gretchen at Marjorie.

Ang tawag ni Gretchen kay Marjorie ay Marjorie Baldivia Echiverri. Sarkastiko ‘yun. Apelyido ng ex ni Marjorie na si Dennis Padilla ang Baldivia at si dating Mayor Recom Echiverri naman ang ikalawa.

Sasabihin ng becki sa entablado, “Maldita ka talaga! Tinawag po pa akong Marjorie Baldivia Echiverri! At least, naging misis ako!

“E, ikaw? Hindi ka kailanman magiging Mrs. Cojuangco at forever kang hindi magiging Mrs. Gretchen Ang! Habambuhay ka na lang na magiging escabeche! Walang maghihintay sa iyo sa altar!” litanya ng becking komedyante.

Inangkin ng magkakapatid na Barretto ang lahat ng linya ng komunikasyon dahil sa pagkakagulo nila sa mismong burol ng kanilang ama.

Laman sila ng mga tabloids, ng social media, sila rin ang paboritong pagtsismisan ngayon sa palengke.

Kinabog ng mga Barretto ang isyu tungkol sa mapamuksang sakit ng baboy mula sa Africa, sinapawan din nila ang kuwento sa hazing at sa heneral na iginigisa ngayon sa Senado dahil sa pagbebenta ng kanyang mga tauhan ng shabu, maraming tinapakang balita ang kawalan ng respeto ng magkakapatid sa nakahimlay nilang ama sa kabaong.

Hay, naku!