DAHIL sa sobrang propesyonalismo ng isang female performer ay isa lang ang pinakaayaw niya, ang pinaghihintay ng kanyang kasamahan, dahil hindi niya kailanman ginagawa ang siya ang hintayin ng produksiyon sa mga tinatanggap niyang trabaho.
Malinaw ang pagtupad niya sa oras, maaga pa lang ay nasa set na siya, at dumarating siyang alam na ang kanyang gagawin dahil nag-aaral siya ng kanyang mga assignment na tulad ng isang estudyante.
Kuwento ng aming source, “Para masira ang mood niya, e, time ang reason nu’n. May hindi dumarating on time na kasama niya sa work. Ayaw na ayaw niya sa ganu’n!
“Or kung dumating man sa tamang oras ang katrabaho niya, e, hindi pa rin sila nakakapag-umpisa dahil hindi pa ready ang co-star niya!
“Naku, talagang hindi mo na uli makukuha ang serbisyo niya kapag may mga makakasama siyang unprofessional!” madiing sabi ng aming impormante.
‘Yun daw ang dahilan kung bakit nu’ng malaman ng very professional female performer na makakasama niya uli sa isang programa ang isang dati niyang nakasamang unprofessional singer-actress ay tinanggihan niya ang show.
Balik ng aming source, “Tinanggap lang niya ang offer nu’ng malaman niya na hindi naman pala niya makakasama ang female personality na palaging cause of delay sa show!”
Female personality milyon ang utang sa businessman
MAY milyunang obligasyong dapat bayaran ang isang kilalang female personality sa isang yayamaning businessman. Mag-iisang dekada na ‘yun na hulugan-dili ng babaeng personalidad.
Natural, napuno na ang pinagkakautangan niya, kaya isang araw ay tinawagan na siya tungkol sa kanyang pagkakautang ng negosyante.
Ang sagot ng female personality sa naniningil sa kanya, “‘Di ba, ang sabi ko naman, basta may hawak na ako, e, ihuhulog ko sa account mo?”
Narindi ang businessman, kaya ang balik-komento nito sa female personality, “Ilang taon nang ganyan ang sinasabi mo, pero hindi ka naman tumutupad? Ano ‘yun, paano kung wala ka palang hawak, di hindi ka na magbabayad? Mag-effort ka naman, pinakinabangan mo ang kinuha mo, kaya magbayad ka!”
Ayayay!
Barbie pinag-awayan nina Gerald-Bea
PAANO kaya pumasok sa eksena ang pangalan ni Barbie Imperial sa nakaraang relasyon nina Gerald Anderson at Bea Alonzo?
Isang source kasi ang naglabas ng impormasyon na isa sa mga pinag-awayan nang matindi nu’n nina Bea at Gerald ay ang pagpunta-punta diumano ni Barbie Imperial sa bahay ng aktor.
Nagkaroon ba sila ng relasyon? Magkaibigan ba sina Gerald at Barbie? Kung magkaibigan nga sila ay alam dapat ‘yun ni Bea. Bakit pa nila ‘yun pinagtalunan?
Sabi ng aming source, “Tanungin n’yo si Gerald at idedenay niya ‘yun. Tanungin n’yo si Barbie at magdedenay rin siya, pero siguradong palalakihin niya ang issue!
“Tanungin n’yo si Bea Alonzo at hindi siya kikibo. Hindi siya magdedenay at hindi rin niya ‘yun iko-confirm, pero ngingiti siya nang pagkatamis-tamis!” kuwento ng aming kausap.
‘Yun na ‘yun!
Sharon inaatake ng sepanx
SEPANX, separation anxiety, ang umaatake ngayon kay Sharon Cuneta dahil sa unang pagkakataon ay mawawalay sa kanyang tabi ang anak nila ni Senator Kiko Pangilinan na si Frankie.
Para sa isang nanay na palaging kasama ang kanyang mga anak ay mauunawaan ang damdamin ng Megastar sa nalalapit na pag-aaral sa New York ni Frankie.
Makahulugan ang sinabi ng singer-actress na mahal na mahal niya ang kanyang trabaho pero hindi ‘yun makatutumbas nang kahit kalahati lang sa pagmamahal niya sa kanyang pamilya.
Isa pang nagdudulot ng lungkot ngayon kay Sharon ay ang plano niyang pamamahinga na pagkatapos nang mahigit na apat na dekada niyang pag-aartista.
Walang artistang humiwalay sa kanyang ugat sa showbiz na naging masaya. Mahirap talikuran ang pag-aartista. Basta may panahon ay bumabalik-balik pa rin sila sa mundong minahal na nila at nagmahal din sa kanila.