Female personality ayaw paawat sa pagpaparetoke ng mukha

Halos nakatira na pala sa isang clinic ang isang female personality na halos hindi na makilala maging ng kanyang mga kapamilya dahil sa pagbabago-bago ng kanyang itsura.

Kahit ang mga kaklase ng female personality ay naninibago sa kanyang itsura, binabalikan nila ang mga retrato nila nu’ng mga estudyante pa lang sila, kilometro ang layo ng kanyang noon at ngayon.

Sabi ng isang source, “Sakit na kasi ‘yun, e! Kapag naranasang minsan, siguradong mauulit, madadagdagan nang madadagdagan ang ipaoopera sa mukha at katawan.

“Tulad nu’ng female personality na ‘yun, wala siyang kasawa-sawa sa pagpapagalaw ng mukha niya. Du’n na nga yata nakatira sa clinic ‘yun, e!

“Imagine, maganda naman siya, wala namang palso sa itsura niya, pero kung bakit palagi niyang ipinababago ang itsura niya! Ang ilong niya, numipis na sa kagagalaw!

“Ang lips niya, e, parang sabay-sabay na kinagat ng isang grupo ng bubuyog, magang-maga, kumapal na nang kumapal! Hindi na bagay sa maliit niyang face!” kuwento ng aming impormante.

Kamakailan lang ay meron siyang ipinatanggal sa kanyang mukha, pero meron na naman siyang ipinagawa, ibang-iba na naman ang itsura niya ngayon.

Kuwento ng isa pa naming source, “One time, e, kumain siya sa isang five-star hotel. Takang-taka ang mga nandu’n, kasi nga, meron siyang face mask.

“Kahit kumakain na siya, e, iniaangat lang niya ang part sa tapat ng bibig niya. Nahulaan agad ng mga nandu’n, ipinaretoke niya ang nose niya.

“Nagpa-nose job na naman ang female personality na hindi na nga makilala kahit ng mga kamag-anak nila! Talagang ‘yun na siguro ang hobby niya, ang magpaopera nang magpaopera!

“Nakakaloka siya! Ang ganda na nga niya, e, nagkaganyan pa ang itsura niya dahil sa mga ipinareretoke niya! Hay, naku!” pagtatapos ng aming source.
***

Raffy tanggap ang pagkakamali ni Erwin

Nagmalabis sa pagbibitiw ng mga salita si Erwin Tulfo. Tsek. Dapat lang itong humingi ng depensa pero kung ang panghihingi nito ng paumanhin ay hindi pa rin sapat para sa taong sinaktan nito ay kailangang handa itong humarap sa husgado para harapin ang kasong isasampa laban sa kanya.

Napanood-napakinggan namin ang litanya ng kanyang kapatid na si Raffy Tulfo sa Wanted Sa Radyo. Malawak ang pang-unawa ng komentarista. Tanggap niya ang pagkakamali ng nakababata niyang kapatid at siya mismo ang nagsabi kay Erwin na humingi ng dispensa sa opisyal na sinaktan nito.

Umani ng mga papuri si Kuya Raffy. Singtapang nga naman siya ng kapapanganak na tigre kapag tama ang kanyang ipinaglalaban pero sa mali ay siya mismo ang nagpapakumbaba.

Para sa mga kababayan natin ay isang tunay na maginoo si Raffy Tulfo. Matapang sa tama pero pinakaduwag sa mali.

Hindi kinukunsinti ni Kuya Raffy ang kanyang mga kapatid, alam niya ang kanyang posisyon, kahit pa isang sinapupunan lang ang kanilang pinanggalingan ay alam niya kung saan siya tatayo.

Pero sa bandang dulo ng kanyang paglilitanya ay meron siyang tanong. Bakit ganu’n? Bakit kailangang lahatin silang magkakapatid kahit isa lang naman sa kanila ang nakagawa ng mali? Kasalanan bang Tulfo rin ang dinadala nilang pangalan?

Dahil sa ginawang mali ni Erwin ay tinanggalan din sila ng mga security, siya, si Kuya Ramon at ang brusko ring magsalitang si Ben.

Nahanapan namin ng punto ang kanyang tanong. Kung sino lang ang may nagawang mali ay ‘yun lang dapat ang makatanggap ng parusa. Sa ginawa ni Pedro ay si Pedro lang dapat ang magdusa, hindi ang kanyang mga kapatid, dahil si Pedro lang naman ang nagkamali.

Matagal na naming kasama sa Radyo Singko si Kuya Raffy. Saksi kami sa pambibira niya sa mga opisyal ng gobyerno na nagpapabaya sa kapakanan ng ating mga kababayan.

Pero naririnig din namin ang pagsusuob niya ng mga papuri sa mga opisyal na tumutulong sa mga Pilipino lalo na sa ating mga manggagawa sa iba-ibang bansa.

Saludo kami sa katapangan ni Raffy Tulfo na itinuturing ng mga kababayan nating tagapagtanggol ng mga naaapi pero mas sumasaludo kami sa kanyang pagpapakumbaba kapag kailangan at hinihingi ‘yun ng pagkakataon.

Ganu’n ang tunay na maginoo. Tumatanggap ng pagkakamali. Yumuyukod. Pero sumisigaw kapag nasa tama.